Friday , December 27 2024

Agrikultura sinalanta ng P10-B pork barrel scam (Imbestigasyon ng Senado itutok)

092613_FRONT

SA PAGPAPATULOY ngayong linggo ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa Napoles pork barrel fund scam, nagpaalala si Atty. Ariel Genaro Jawid, abogado ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na ituon ng mga senador ang kanilang pagsisiyasat sa agrikultura, “ang sektor na may pinakamalaking pinsala dulot ng pagnanakaw ng P10 bilyong halaga ng pondo ng bayan kaugnay sa pork barrel fund scam.”

Tugon sa pagsisiwalat ng whistleblower na si Benhur Luy sa pagdinig ng lumipas na linggo, sinabi ni Jawid na “kaduda-dudang nananatiling matigas ang sektor ng agrikultura sa pagbabago sa kabila ng mga reporma tungo sa magandang pamamahalang ipinapatupad ng kasalukuyang administration.”

“Si Luy na mismo ang nagsabi na sa pangkabuuan, ang mas mahirap isagawa ang maaanomalyang transaksyon sa ilalim ng gobyernong ito kompara sa lumipas, maliban na lamang sa DA (Department of Agriculture). Hindi ba nagtataka ang mga senador kung bakit ganoon pa rin ang kalakaran doon,” tanong ng abogado.

“Partikular na nakapagtataka” kay Jawid ang mga tanggapan at mga indibidwal na dati nang naakusahan ng katiwalian ay “prenteng nananatili sa DA.”

“Parang tumigil ang oras sa Kagawarang ito. Ang parehong Ophelia Agawin, parehong NABCOR (National AgriBusiness Corporation), at ilan pang bagong pangalan na may parehong bahid ng katiwalian ay prenteng nananatili roon,” pahayag niya.

Si Agawin, kasama si Janet Lim Napoles, ay unang nasangkot sa P728 milyong fertilizer fund scam noong 2003 sa ilalim ng administrasyong Arroyo. Muli siyang itinalaga sa DA at itinaas pa ni Agriculture Secretary Proceso Alcala sa posisyong Assistant Secretary ngayong panahon ng administrasyong Aquino.

“At sa lahat ng ibibigay na tungkulin, siya pa ang inatasan mag-accredit ng mga NGO (non-governmental organization),” sabi ni Jawid. “Nakapagtataka pa bang muli siyang pinangalanan ng isang whistleblower (Merlin P. Suñas) bilang conduit ng ahensya sa mga pekeng NGO ni Napoles?”

Boss ni Agawin si Undersecretary Antonio Fleta, isa sa umano’y core group ng mga opisyal mula sa lalawigan ng Quezon na bitbit ni Alcala sa kagawaran nang umupo siya rito noong 2010. Nauugnay din si Fleta sa Abono party-list group at mga representate nito na umano’y nagbigay din ng kanilang pork barrel sa isa pang pekeng NGO ni Napoles.

Isa pang appointee mula sa tinatawag na “Quezon core group,” mula sa distrito kung saan naging congressman si Alcala ng dalawang termino, si Undersecretary Claron Alcantara.

Kapwa may nakahaing reklamo sa tanggapan ng Ombudsman sina Alcala at Alcantara kaugnay ng umano’y pagpapalabas ng P3.5 milyon mula sa pork barrel ng dating congressman Alcala papunta sa isang kaduda-dudang NGO. Ang naturang NGO ay pinapatakbo ng pamilya ni Alcantara. Ito ang Sir Pelagio Alcantara Development (Spade) Foundation Inc.

“Ngayon ang kagawarang ito ng mga pamilyar na pangalan ay naaakusahan na namang nagbigay ng pondong pork barrel na nagkakahalaga ng P1.2 bilyon sa isa pang pamilyar na GOCC (government owned and controlled corporation), ang NABCOR, na nagpasa ng pondo sa mga pekeng NGO. Naging kalakaran na ito sa dalawang administrasyon at sa parehong pangyayari, sinabi ng COA (Commission on Audit) na may mga iregularidad sa mga naturang transaksyon,” pahayag ni Jawid.

Ayon sa COA, ginamit ang NABCOR bilang tagapagpatupad na ahensya o implementing agency sa pork barrel fund scam. Dito ibinababa ng DA ang pondo para sa mga proyekto na ipinapasa sa mga pekeng NGO. Nadawit na rin ito sa fertilizer fund nang lumipas na administrasyon.

“Pondo para sa agrikultura ang pinag-uusapan dito, pondo para sa sektor ng mahihirap na nagbibigay-empleyo sa ikatlong bahagi ng ating populasyon. Ito ang sektor na nagpapakain sa atin, at kung patuloy na aapihin at pagnanakawan, ay magiging sanhi ng kahirapan at pagkagutom ng milyon-milyong Filipino.”

Noong 2010, sa bagong pamahalaan, pinanatili sa puwesto ni Alcala si Alan Javellan bilang Pangulo ng NABCOR hanggang magretiro noong 2011 at palitan ni Honesto Baniqued.

Naging chairman ng NABCOR si Alcala simula 2010.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

Robin Padilla Cannabis Marijuana

Robin iginiit benepisyong medikal na makukuha sa cannabis

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio MASIGASIG si Sen. Robin Padilla sa pagsusulong ng medical cannabis dahil naniniwala …

Zamboanga del Norte

Supplemental budget nakabinbin
OPS NG PROV’L AT DISTRICT HOSPITALS, IBANG PAGAWAING BAYAN SA ZAMBO DEL NORTE POSIBLENG MATIGIL — GOV. NENE

ITO ang malalim na laman ng pahayag ni Governor Jalosjos sa media makaraang sumulat sa …

SMC Toll Fee

Bilang pasasalamat sa mga motorista
BAYARIN SA EXPRESSWAY KAKANSELAHIN NG SMC SA BISPERAS NG PASKO AT BAGONG TAON

NAKATAKDANG kanselahin ng Conglomerate San Miguel Corporation (SMC) ang mga bayarin para sa expressway network …

SM Krus na Ligas 1

Promoting wellness and enhancing healthcare delivery
SM Foundation upgrades vital Quezon City community health center

Refurbished by SM Foundation, Krus Na Ligas Health Center caters to over 73,000 residents of …

Manila Honey Lacuna Yul Servo Nieto

Mayor Honey, VM Yul, Asenso Manileño Team namahagi ng Christmas gift boxes para sa Senior Citizens ng Maynila

NAMAHAGI ng Christmas gift boxes sina Mayor Honey Lacuna – Pangan, Vice Mayor Yul Servo …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *