UMABOT na sa 24 ang namatay sa naganap na landslides sa Zambales bunsod ng malakas na buhos ng ulan kahapon ng umaga.
Ang 15 sa mga biktima ay namatay sa dalawang magkahiwalay na landslindes sa Brgy. Wawandue at Brgy. San Isidro sa bayan ng Subic, ayon kay Mayor Jefferson Khonghun.
Narekober na ang bangkay ng siyam biktima sa Wawandue, ayon kay 1Lt. Yvonne Ricarforte, civil military operations officer ng 24th Infantry Battalion ng Army.
Patuloy ang search operations, pahayag ni Ricarforte.
Isa pang biktima na naputulan ng paa ang nasagip ng mga sundalo. Bunsod ng matinding baha ay mahirap punta-han ang Subic, dagdag ni Ricaforte.
Anim na bahay ang natabunan sa Wawandue ayon kay Maj. Emmanuel Garcia, hepe Armed Forces’ 1st Civil Relations Group.
Tatlo katao ang hindi pa natatagpuan sa Subic, na isinailalim na sa state of calamity.
Limang iba pa ang namatay sa Castillejos, Zambales nang matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay kahapon ng umaga.
Apat pa ang namatay sa naganap na landslide sa Brgy. Aglao, San Marcelino sa bayan ng Zambales. (BETH JULIAN)
OCCIDENTAL MINDORO STATE OF CALAMITY NA
BUNSOD ng patuloy na pag-ulan dulot ng Habagat, isinailalim sa state of calamity ang Sablayan, Occidental Mindoro na mahigit sa 400 pamilya ang inilikas dahil sa lagpas-taong baha.
Mula sa mga barangay ng Victoria, Claudio Salgado, Lagnas at Tagumpay, ay inilikas ang daan-daang residente at pansamantalang pinatuloy sa evacuation centers mula nitong Linggo nang umapaw ang mga ilog.
Dahil sa malakas na pag-ulan, ekta-ektaryang palayan na dapat sana ay aanihin na sa Oktubre ang nawasak matapos malubog sa baha at maging ang irrigation facilities ay nawasak.
Ilang araw na rin walang supply ng koryente sa Sablayan.
(BETH JULIAN)
KATEDRAL, KABAHAYAN WINASAK NI ODETTE
HUMIHINGI ng saklolo ang isang lider ng Simbahang Katoliko para sa pagpapatayo ng mga bahay at Katedral na nawasak sa pananalasa ng bagyong Odette sa Batanes.
Sinabi ni Batanes Bishop Camilo Gregorio, winasak ng bagyong Odette ang maraming bahay kasama na ang Cathedral of the Concepcion, tahanan ng mga pari at Bishop’s house at ito rin ang pinakamalakas na bagyo na tumama sa Batanes sa nakalipas na 25 taon.
Partikular na umaapela si Gregorio ng tulong lalo na ng construction materials para sa pagsasaayos ng mga tahanan at kanilang Simbahan.
(LEONARD BASILIO)
KLASE, TRABAHO KANSELADO SA METRO
Walang patid na ulan ang bumuhos sa Metro Manila at mga karatig lalawigan dahil sa Habagat na nagresulta sa malawakang pagbaha kaya’t kinansela ang pasok sa eskwela sa lahat ng antas.
Mula sa yellow rainfall advisory para sa Metro Manila nitong maghapon ng Linggo, itinaas ito sa orange rainfall advisory Lunes ng umaga.
Agad sinuspendi ng mga awtoridad ang klase sa mga eskwelahan at maging pasok sa mga opisina gayondin kinansela ang biyahe ng mga eroplano papasok at palabas ng bansa.
40 KATAO INILIKAS SA BASECO
PITONG pamilya na may 40 katao ang inilikas mula Baseco Compound, Tondo, Maynila nang tumaas ang tubig dahil sa walang tigil na pag-ulan sa lungsod, kahapon.
Ayon kay Johnny Yu, officer-in-charge ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Council, ang mga pamilya ay inilipat sa Baseco evacuation center upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
(LEONARD BASILIO/BRIAN BILASANO)