MAKARAAN ang 13 taon pagkakabilanggo sa Saudi Arabia, balik-Filipinas na ang overseas Filipino worker (OFW) na si Rodelio “Dondon” Lanuza.
Pasado 3 p.m. kahapon nang lumapag ang eroplanong kinalululanan ni Lanuza na Etihad Airways flight EY 424.
Kung maaalala, nakulong ang nasabing OFW matapos mapatay ang isang Arabo na nagtangkang siya ay gahasain.
Una rito, magkahalong saya at nerbiyos ang nararamdaman ni Lanuza ngayong haharap na siya sa panibagong buhay.
Gayonman, mas lamang naman aniya ang pakiramdam ng kaligayahan dahil makakasama na niya ang kanyang mga mahal sa buhay.
“Magpapahinga ng ilang araw, ilang linggo, kasama ‘yung pamilya ko. Sa lahat po ng tumulong sa akin, taos puso po kami ng pamilya ko na nagpapasalamat sa inyong suporta, sa inyong oras, sa inyong mga dasal, sa panibagong buhay,” wika ni Lanuza.
Nakaligtas sa parusang bitay si Lanuza matapos makaipon ang gobyerno ng Filipinas ng blood money na halagang P35 million at naibigay sa pamilya ng biktima, gayondin tumulong sa pagbabayad si King Abdullah ng Kingdom of Saudi Arabia.
87 OFWS NASA DEATH ROW — DFA
UMAABOT sa 87 overseas Filipino workers (OFW) ang nahaharap sa parusang kamatayan sa ibayong dagat dahil sa iba’t ibang kaso.
Ito ang kinompirma ni DFA Secretary Albert Del Rosario kay Sen. Cynthia Villar kasabay ng ginanap na pagdinig sa Senado kaugnay ng panukalang P12.1 billion pondo ng ahensya para sa susunod na taon.
Ayon kay Del Rosario, karamihan sa mga nakapila sa death row ay nasa Gitnang Silangan, tulad ng Saudi Arabia at Kuwait maging sa China bunsod ng kasong pagpatay at may kinalaman sa illegal na droga.
Kasabay nito, pinatitiyak ni Villar sa DFA na tutukan ang kaso ng mga kababayan at gumawa ng paraan upang sila ay makaligtas sa parusang kamatayan.
Bukod dito, pinatitiyak din ng senadora sa DFA na i-monitor ang kalagayan ng OFWs sa mga Bahay Kalinga sa iba’t ibang bansa sa harap ng napaulat na pang-aabuso laban sa mga kababayan, na ilan sa itinuturong mga salarin ay mismong labor officials.
(CYNTHIA MARTIN)]