HINDI natin alam kung mayroon na rin LAPSES sa kanyang memory si Budget Secretary Florencio “Butch” Abad at nakalusot sa kanyang mapanuring pang-amoy ang P92.5 pork barrel ng kanyang misis na si Rep. Henedina Abad, ang nag-iisang congresswoman ng lalawigan ng Batanes.
‘Yan ay noong 2012 lang. Ang dapat tanggapin ng isang kongresista sa loob ng isang taon P70 milyones pero bakit sa misis ni Butch Abad ay P92.5 milyones?
Mantakin n’yo, maliit lang ang Batanes at 15 libo lang ang residente diyan pero ang taba ng Pork Barrel ng distrito ni Madam Abad.
Mas mataas pa raw ‘yan sa PDAF ni Speaker of the House Feliciano “Sonny” Belmonte.
Pwes mayroon din palang pangangailangan na isalang sa imbestigasyon ang misis ni Butch Abad.
Dapat na talaga nating aminin na mayroong problema sa malaking bahagi ng ating burukrasya lalo na kung kinasasangkutan ito ng kwarta at pakinabang.
Ultimo ‘yung mga taong akala natin ay prinsipyado ay hindi nakaliligtas na lamunin ng sistemang umiiral ngayon sa bansa.
ALAM nating hindi lang si congresswoman Abad ang nakakuha ng ganitong probetso, pero siya ang kapansin-pansin dahil ang kanyang esposo ay BUDGET secretary na siyang nagre-release ng pork barrel.
Hindi lang dapat tanggalin ang PORK BARREL system, mayroon na talagang mahigpit na pangangailangan na IPASA na ang FREEDOM OF INFORMATION (FOI) Bill.
Ito ang pinaniniwalaan natin na isa sa mga susi para mabawasan kung hindi man tuluyang mapawi ang korupsiyon sa bansa.
Kung hindi na rin kayang pigilan ang korupsiyon dahil dito na umiikot ang buong sistema ng pamahalaan, PIGILAN ang mga opisyal ng gobyerno at lahat ng negosyanteng may transaksiyon sa gobyerno at malalaking pribadong negosyante na maglabas ng kwarta at mag-banko sa ibang bansa.
Sige, sakmalin na ninyo ang lahat ng kwarta o pondo ng pamahalaan pero huwag na huwag ninyong ilabas ng bansa ang mga nakukurakot ninyong kwarta.
Dito ninyo gastusin ‘yan at dito ninyo paikutin nang paikutin.
T’yak na magkakaroon ng INFLATION, pero ang sigurado iikot pa rin ang ekonomiya ng bansa, magkakaroon ng maraming trabaho at mababawasan ang nagugutom na Pinoy.
Hindi tayo naggagaling-galingan pero kung gusto talaga nating sagipin ang bansa sa tuluyang pagkalugmok, pwedeng gumawa ng paraan, kahit kumapit sa patalim, pero ang importante nakagiya tayo para sa isang pag-unlad na unti-unting inaayos ang sistema ng pamahalaan.
Walang IMPOSIBLE, kung ang lahat ng nakaupo ngayon sa pamahalaan ay may ‘PUSO’ (‘wag nang UTAK, kasi marami kayo n’yan kaya ang gagaling ninyong magpaikot ng mamamayan) para sa kapakanan ng bansa.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com