Kahit paano ay shocking para sa nakararami ang 104-91 pagkatalo ng Barangay Ginebra San Miguel sa Barako Bull noong Biyernes.
Mataas kasi ang expectation ng lahat sa Gin Kings na sumegunda sa Alaska Milk sa nakaraang Commissioners Cup.
Kung tutuusin ay mas lumakas ang line-up ng Barangay Ginebra ngayon kaysa noong nakaraang conference matapos na makuha si Japeth Aguilar buhat sa Global Port kapalit ng hindi naman ginagamit na si Yousef Taha.
Nagkaroon man ng pagpapalit ng head coach kung saan pansamantalang hinalinhan ni Renato Agustin si Alfrancis Chua ay maituturing pa rin itong positibo. Si Agustin ay nakapagbulsa na ng isang kampeonato sa PBA samantalang wala pang napapanalunang titulo si Chua.
So bakit nga ba natalo ang Gin Kings?
Isa sa dahilan ay ang pagkakaroon ng injury ni Aguilar sa second quarter. Nagtamo siya ng sprained MCL at dinala sa dug out bago nag-halftime. Hindi na siya ibinalik matapos iyon.
Pero gaya nga ng nasabi natin, ang pinalitan ni Aguilar sa Ginebra ay si Taha na hindi naman nagagamit noon. So kung baga, pareho lang dapat ang itakbo ng team sa pagkawala ni Aguilar.
Dahil dito may nagsasabi na import ang diperensiya.
Magkaiba daw ang intensity ng kasalukuyang import na si Dior Lowhorn at Commissioners Cup import na si Vernon Maclin.
Katunayan mayroon ding mga pilyong nagbibiro na si Dior daw ay Lowhorn talaga sa second half pagkatapos na maging “highhorn”.
Kulang daw sa consistency ang import ng Barangay Ginebra kung kaya’t tumutukod ang team sa dulo ng laro.
Kailangang magbago ang sitwasyong ito. Kaagad!
Maikli lang kasi ang elims.
Puwedeng magpalit ng import ang Gin Kings pero baka makasama ito imbis na makabuti.
Sabrina Pascua