ARESTADO ang isang 38-anyos lalaki matapos bihagin ang kaniyang sariling pamilya sa bahay ng kaniyang kapatid na babae, sa Brgy. Estefania, lungsod ng Bacolod, lalawigan ng Negros Occidental, nitong Sabado ng hapon, 7 Setyembre.
Ayon kay P/Capt. Francis Depasucat, hepe ng Bacolod CPS 4, inakyat ng suspek na armado ng dalawang patalim at isang martilyo ang pader upang makapasok sa bahay ng kaniyang kapatid.
Sa takot, nagtago ang matandang ina ng supek, kaniyang kapatid kasama ang dalawang anak na menor de edad sa kanilang silid para sa kanilang kaligtasan.
Nang makapasok, nagwala ang suspek at nanira ng mga kagamitan sa sala.
Dumating ang mga pulis at nakipagnegosasyon sa suspek upang siya ay mapakalma ngunit sarkastiko lamang siyang sumasagot sa mga awtoridad at sa kaniyang pamilya.
Nabatid na nauna nang nakipagtalo ang suspek sa kaniyang ina at kapatid tungkol sa pera at ilang isyung pampamilya na naging dahilan ng kaniyang pagiging agresibo.
Ayon sa pulisya, nagdesisyon ang kapatid ng suspek na paalisin siya sa kanilang bahay dahil sa hindi maayos na ugali na nagresulta sa pagtatanim ng sama ng loob ng suspek laban sa kanila.
Tumagal ang negosasyon nang higit sa isang oras hanggang magdesisyon ang pulisya na pasukuin ang suspek na nagsimula nang sirain ang pinto ng silid na pinagtataguan ng kaniyang pamilya.
Sa ulat, sugatan ang suspek at ilang pulis dahil sa komosyon, habang tuluyan nang nasagip ang mga biktima.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa kaniya.
Nabatid na nauna nang naaresto ang suspek para sa mga kasong illegal gambling at illegal possession of firearm.