Tuesday , June 23 2026
Aleah Finnegan SEAG
SI PARIS Olympian Aleah Finnegan nanguna sa vault apparatus sa women’s artistic gymnastics sa 33rd Southeast Asian Games final nitong Huwebes sa Gymnasium 5 ng Thammasat University sa Pathum Thani. (POC Media pool photo)

Finnegan nasungkit ang pangalawang ginto sa SEA Games

BANGKOK — Muling pinatunayan ni Paris Olympian Aleah Finnegan na siya ang pinakamakinang na bituin sa women’s artistic gymnastics sa ika-33 Southeast Asian Games matapos niyang manguna sa vault apparatus final nitong Huwebes sa Gymnasium 5 ng Thammasat University sa Pathum Thani.

Nakuha ni Finnegan ang kanyang ikalawang ginto sa SEA Games—ang una ay noong 2022 sa Hanoi—matapos magtala ng 13.433, bahagyang dinaig sina Thi Quynh Nhu Nguyen ng Vietnam (13.400) at Kang Xian Yeap ng Malaysia (12.966).

“Napakaespesyal ng gintong ito,” sabi ng 22-anyos. “Marami ang nangyari sa likod ng mga pangyayari, may mga personal na hamon din, pero patuloy ko lang na hinarap ang lahat ng iyon.”

Idinagdag niya na ang kanyang pananampalataya ang nagbigay sa kaniya ng lakas. “Palagi akong nagdarasal kay Jesus. Wala ako kung wala Siya, at alam kong kasama ko Siya.”

Nagkaroon pa ng kaunting kaba bago makumpirma ang panalo. Ilang sandali matapos ang routine ni Finnegan, lumabas ang maling iskor sa screen. Mahigit 30 minuto siyang naghintay bago itinama ng mga hurado ang pagkakamali at opisyal na ideklarang siya ang gold medalist.

“Kinabahan talaga ako nang lumabas ang maling score,” pag-amin ni Finnegan. “Sinusubukan naming intindihin kung paano nila nakuha ang numerong iyon. Nakaka-stress at nakakalito, pero nagpapasalamat ako na naayos din ang lahat.”

Ayon kay Gymnastics Association of the Philippines president Cynthia Carrion, hindi siya nagduda sa resulta. “Pagkatapos ng vault ni Aleah, alam kong ginto iyon. Ipinacheck namin ang score dahil sigurado kaming may miscalculation, at nagpapasalamat akong inayos ito ng organizers.”

Ngayon, nakatuon si Finnegan sa balance beam final sa Biyernes, 2:30 p.m.

Samantala, nakuha ni Haylee Garcia ang pilak sa uneven bars sa iskor na 12.333, habang nagdagdag naman si Justin Ace de Leon ng dalawang bronze sa floor exercise (12.500) at rings (12.700), na nagpasigla sa malakas na kampanya ng Philippine gymnastics team. (POC Media pool/HNT)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Henry Vargas

Check Also

san juan city

Wattah Wattah Festival ng San Juan kasado na

KASADO na ang San Juan City local government unit (LGU) sa lahat ng aktibidad para …

Arrest Shabu

Sa Pasay City
P1-M+ shabu nasamsam sa 3 HVI drug pushers

MAHIGIT P1 milyong halaga ng shabu ang nasamsam at naaresto ang tatlong high value individuals …

BBM Vladimir Putin

24 Pinoy 9 buwan kulong sa Russia nakauwi na sa bansa

LIGTAS na nakauwi sa Filipinas ang 24 migranteng manggagawa na halos siyam na buwan nakulong …

062226 Hataw Frontpage

Sa Estados Unidos
PINAY PINANANAGOT SA US$1-B PANDURUGAS SA HEALTHCARE INSURANCE

HATAW News Team NAHAHARAP sa multiple federal charges sa Estados Unidos ang isang Filipina nurse …

Serbia vs Dominican Republic W VNL

Serbia bumangon, Dominican Republic hanap pa rin ang unang panalo

MULING nakabalik sa tamang landas ang Serbia matapos pataubin ang Dominican Republic, 25-19, 25-23, 25-18, …