NAIS ni Senador Win Gatchalian na magkaroon ng nursing home sa bawat lungsod at munisipalidad para sa mga senior citizens na inabandona at walang tahanan.
Inihain niya ang Senate Bill No. 950 o ang “Homes for Abandoned Seniors Act of 2022” o mga nursing homes na patatakbuhin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa tulong ng local government units (LGUs). Ang mga LGU naman ang magkakaroon ng responsibilidad na ipatayo ang mga nursing homes.
Inspirasyon ng panukalang batas ni Gatchalian ang “Bahay Kalinga” at “Bahay Kanlungan Tahanan Nila Lolo at Lola” na nagbibigay kalinga sa mga senior citizens sa lungsod ng Valenzuela.
Ang Bahay Kalinga na itinatag noong 2012 ay isang two-storey half-way home para sa 25 senior citizens na inabandona o walang tahanan. Ang four-storey Bahay Kanlungan naman ay binuksan noong 2021 at nagbibigay tahanan sa 90 lolo at lola.
May sarili itong clinic, physical therapists, psychologists, nutritionists, at ‘yung tinatawag na house parents na magbabantay sa senior citizens sa buong maghapon.
Bagama’t natutugunan ng lungsod ng Valenzuela ang pangangailangan ng senior citizens na inabandona at walang tahanan, sinabi ni Gatchalian, marami pang mga walang tahanang senior citizens ang kailangang bigyan ng saklolo.
“Tungkulin nating tiyakin na ang ating mga lolo at lola ay may maayos na tirahan at nakatatanggap ng sapat na pagkalinga. Upang matiyak natin na ang ating mga lolo at lola ay nabubuhay nang may dignidad kahit nawalay sa kanilang mga pamilya, isusulong nating mapatayuan ng nursing home ang mga nakatatanda sa bawat lungsod at munisipalidad,” ani Gatchalian.
Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, magiging komportable sa senior citizens ang nursing homes dahil magbibigay ng sapat na pagkain, pananamit, serbisyong pangkalusugan, counseling, at iba pa.
Si Gatchalian ang pangunahing may akda ng panukala na inihain na niya noong 17th at 18th Congress. (NIÑO ACLAN)