NASAKOTE ng mga awtoridad sa ikinasnag anti-illegal drug buy bust operation ang dalawang hinihinalang mga tulak sa lungsod ng Calamba, lalawigan ng Laguna, nitong Sabado, 27 Agosto.
Kinilala ni P/Col. Randy Glenn Silvio, Officer-In-Charge ng Laguna PPO, ang mga suspek na sina Eduardo Obias, alyas Jun, 42 anyos, walang trabaho, at residente sa Brgy. Turbina; at Greymond Salum, alyas Grey, 39 anyos, walang trabaho, at residente sa bBrgy. Lecheria, parehong sa nabanggit na lungsod.
Sa ulat ng Calamba CPS, naaresto ang mga suspek dakong 2:25 pm kamakalawa sa Purok 6, Brgy. Parian, sa naturang lungsod.
Nasamsam mula kay Obias ang isang heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu; apat na plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakalagay sa isang coin purse; P500 buy bust money; at P400 drug money.
Samantala, nakompsika mula kay Salum ang isang sachet ng hinihinalang shabu; at P1,000 drug money.
May kabuuang timbang ang narekober na hinihinalang shabu na 2.2 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P14,960.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Calamba CPS ang mga naarestong suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang isusumite ang mga nakalap na ebidensiya sa Regional Crime Laboratory Office 4A para sa forensic examination.
Pahayag ni P/Col. Silvio, “Walang lugar sa Laguna ang mga illegal drug traders. The Laguna PNP and the Lagunense are united to fight against illegal drugs, we will exert our best efforts to achieve a drug free Province.”
Ani P/BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., “Pinapupurihan ko ang pagsisikap ng ating mga pulis sa Calamba CPS sa mga operasyong ito. Patuloy nating paiigtingin ang ating mga operasyon laban sa ilegal na droga upang mapuksa ang paglaganap nito sa lalawigan ng Laguna.” (BOY PALATINO)