ARESTADO ang magkapatid na suspek habang nasamsam mula sa kanila ang P20,000 halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang anti-illegal drugs buy bust operation ng mga awtoridad nitong Linggo ng gabi, 21 Agosto, sa lungsod ng Calamba, lalawigan ng Laguna.
Kinilala ni P/Col. Cecilio Ison, Jr., ang mga suspek na sina Jake Bustamante, 27 anyos, walang trabaho; at Ivan Bustamante, 26 anyos, warehouseman, kapwa residente sa Brgy. Parian, sa nabanggit na lungsod.
Sa ulat ng Calamba CPS, dinakip ang mga suspek dakong 9:41 pm kamakalawa sa Villa Carpio, sa naturang barangay, kaugnay ng ikinasang buy bust operation ng pulisya.
Nakompiska mula sa mga suspek ang limang sachet ng hinihinalang shabu, may timbang na tatlong gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P20,400; isang pirasong playing card case; drug money; at buy bust money.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Calamba CPS ang mga naarestong suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang isusumite ang mga nasamsam na ebidensiya sa Regional Crime Laboratory Office 4A para sa forensic examination.
Ayon sa ulat, kilala ang mga naarestong suspek na pinagmulan ng shabu sa Brgy. Parian at mga kalapit na Barangay.
Pahayag ni P/Col. Ison, “Hinihimok ko ang mga tao na aktibong lumahok sa ating kampanya laban sa ilegal na droga upang mailigtas ang kanilang mga pamilya sa mga krimen na maaaring gawin ng mga drug personalities.”
Ani P/BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., “Pinupuri ko ang Calamba CPS para sa operasyong ito. Patuloy nating paigtingin ang ating anti-illegal drug operations para makontrol ang paglaganap ng mga mapanganib na droga sa ating area of responsibility.” (BOY PALATINO)