ARESTADO ang dalawang hinihinalang mga magnanakaw sa Commission on Elections (COMELEC) checkpoint na minamandohan nitong Lunes ng gabi, 23 Mayo, sa Brgy. Duhat, bayan ng Cavinti, lalawigan ng Laguna.
Kinilala ni Laguna PPO director P/Col. Cecilio Ison, Jr., ang mga suspek na sina Ronilo Espinosa, isang tricycle driver, residente sa Brgy. 28, Kawal St., Caloocan; at Arnold Ilagan, isang promodizer, residente ng Brgy. Uno, San Juan, Batangas.
Lumabas sa imbestigasyon ng Luisiana MPS, pinasok ng mga suspek ang Chito’s Restaurant sa Brgy. San Isidro, Luisiana, Laguna dakong 6:47 pm kamakalawa saka tinutukan ang kahera at nagdeklara ng holdap.
Matapos makuhaan ng salapi ang kahera, tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo.
Nang maiulat ang insidente, inalerto ng Laguna PNP ang lahat ng estasyon ng pulisya sa kalapit na bayan ng Luisiana upang magsagawa ng hot pursuit operation.
Agad naglatag ang Cavinti PNP ng Comelec checkpoint sa Brgy. Duhat sa pag-asang mahuli ang mga tumakas na suspek na inilarawang nakasuot ng mga itim na jacket, helmet, at nakasakay sa motorsiklong walang plaka.
Sa inilatag na checkpoint, dakong 7:15 pm kamakalawa nang dumaan ang dalawang lalaking tumugma sa pagsasalarawan sa mga suspek, hudyat sa mga nakamandong pulis upang sila’y arestohin.
Nasamsam mula sa mga suspek ang Sisang kalibre .45 baril; magasing may anim na bala; itim na holster; OR/CR ng motorsiklo; kulay asul na helmet; ang getaway motorcycle na walang plaka; at P5,250 cash na ninakaw nila mula sa restaurant.
Ayon kay P/Col. Ison, “Mabilis ang naging aksyon ng Laguna PNP dahil sa koordinasyon ng bawat police station sa buong lalawigan ng Laguna. At ang mabilis na pagrereport ng ating mamamayan sa mga ganitong krimen. Nagpapasalamat kami sa inyong tiwala.”
Sa pahayag ni P/BGen. Antonio Yarra, “Sana’y magsilbi po itong babala sa mga nagbabalak gumawa ng krimen sapagkat ang pulisya ay laging handa upang tumugon sa tungkulin sa anomang insidente na iulat sa pulisya. Pinupuri ko rin ang mga tauhan ng Cavinti Municipal Police Station para sa mahusay na trabaho.” (BOY PALATINO)