ni Edwin Moreno
TIKLO sa isang regional high value target (RHVT) ang daan libong halaga ng droga sa magkahiwalay na drug operation sa gitna ng umiiral na “gun ban” ng Comelec sa lungsod ng Pasig.
Kinilala ni P/BGen. Rolando Yebra Jr., ang mga naaresto na sina Reymond Lotino, 33 anyos, umano’y nasa No.9 Regional High Value Target ng drug database residente ng #66 Villa Monique, Esquerra St. at Juanito Hernandez, 32 anyos ng Evangelista Compd., kapwa ng Pasig City.
Unang nadakip dakong 6:30 ng gabi Jan. 10, si Lotino ng mga operatiba ng anti-drug sa pangunguna ni P/Maj. Darwin Guerrero sa kanyang tahanan at ika-2:55 ng hapon January 10, si Hernandez ng grupo ni PLT. Kenny Khamar Khayad sa F. Soriano St., Brgy., Palatiw.
Nakumpiska kay Lotino ang 11.9 grams ng shabu na may halagang P80, 920.00 habang P36, 992.00 kay Hernandez na may 5.44 grams ng shabu mga buybust money at shabu paraphernalia.
Ayon kay P/Col. Roman Arugay, hepe ng Pasig PNP, kahit naka-heightened alert ang pulisya sa Comelec gun ban sa nalalapit na national at local 2022 eleksyon, hindi ito dahilan para libre ang mga salot sa droga.
Nakapiit ang dalawa (2) sa detention cell at sasampahan ng kasong paglabag sa RA9165 section 5 at 11 sa Pasig City Court.