50 driver natiketan sa one time-big time ops (100 lumabag sa safety protocol sinita)
SINITA ang mahigit 100 indibidwal dahil sa paglabag sa safety protocol at minimum health standard habang inisyuhan ang 50 drivers ng citation ticket sa ikinasang one time big time operation ng mga kawani ng City Public Order and Safety Coordinating Office nitong Sabado, 8 Mayo, sa kahabaan ng Brgy. Malpitic Highway, lungsod ng San Fernando, lalawigan ng Pampanga.
Kaugnay ito ng pagtalima sa Executive Order No. 5-C-2021 na nilagdaan ni Governor Dennis “Delta” Pineda sa pagpapatupad ng mahigpit na safety protocol ng minimum health standard na mandatory sa buong lalawigan upang mapababa ang kaso ng CoVid-19.
Magkatuwang na pinagsabihan nina CPOSCO Opn. Jhon Margie Gervacio; Deputy Opn. Elmer Salangsang; Joseph Lacson, mobile supervisor; at Ronald Palma, sector supervisor, ang mga nahuling walang facemasks, at iba pang hindi tama ang pagsusuot nito.
Tiniketan rin ang may 50 drivers na nasita sa paglabag sa LTO code at protocols.
Binigyan ng facemasks ang mga nahuling wala nito at pinauwi matapos bigyan ng warning na huhulihin na sila sa susunod na pagkakataon na paglabag sa safety protocols. (RAUL SUSCANO)