Tulak tigbak, kasama nakatakas (Nanlaban sa drug bust)
DEDBOL ang isang hinihinalang tulak habang nakatakas ang isa pa, nang manlaban sa isinagawang anti-narcotics operation ng Lupao Municipal Police Station SDEU sa pamumuno ni P/Capt. Ronan James Eblahan, nitong Lunes, 26 Abril, sa bayan ng Lupao, lalawigan ng Nueva Ecija.
Kinilala ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano De Leon ang napaslang na suspek, ayon sa ulat ni P/Col. Jaime Santos, provincial director ng Nueva Ecija PPO, na si Richard Balajadia, residente sa Brgy. Bitas, lungsod ng Cabanatuan, sa naturang lalawigan.
Samantala, nakatakas ang isang hindi kilalang kasamahan ng suspek sakay ng motorsiklo patungong lungsod ng San Jose.
Sa ulat, natunugan ng mga suspek na isang entrapment ng anti-narcotics operatives ang napasukang transaksiyon kaya sila nagkanya-kanyang buwelo saka pinutukan ang mga operatiba.
Agad gumanti ng putok ang mga awtoridad hanggang magresulta sa kamatayan ng suspek, pero mabilis na nakatakas ang kanyang kasama.
Tinutugis ng mga awtoridad ang nakatakas na suspek sa inilunsad na follow-up operation.
Narekober ng mga nagrespondeng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang isang maiksing pistolang hindi mabatid ang gawa at kalibre, isang paketeng naglalaman ng hinihinalang shabu, at marked money na ginamit sa operasyon. (RAUL SUSCANO)