Construction worker tiklo sa Kyusi (Wanted sa Pampanga)
NASORPRESA ang isang puganteng construction worker sa presensiya ng mga awtoridad at hindi akalaing matutunton ang kanyang hide-out sa loob ng mahigit isang dekada nang maaresto ng mga kagawad ng San Luis Municipal Police Station nitong Lunes, 26 Abril sa Mira Nila Homes, Pasong Tamo, sa lungsod ng Quezon.
Kinilala ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano de Leon ang suspek na si Arnold Roman, 44 anyos, construction worker, residente sa Brgy. San Isidro, bayan ng San Luis, lalawigan ng Pampanga, top 3 most wanted sa nasabing bayan.
Ayon kay P/Col. Arnold Thomas Ibay, provincial director ng Pampanga PPO, nagsagawa ng operation Manhunt Charlie ang mga kagawad ng San Luis MPS sa pamumuno ni P/Maj. Fernando Manalastas at isinilbi ang warrant of arrest laban sa suspek sa kasong paglabag sa RA 7610 na inisyu ni Judge Adelaida Ala Medina ng San Fernando, Pampanga Regional Trial Court Branch 45, at walang inirekomendang piyansa sa pansamantalang paglaya ng suspek. (RAUL SUSCANO)