HINDI inaasahan sa kanyang paglutang mula sa halos isang dekadang pagtatago ay matimbog ang isang suspek, itinuturing na isa sa most wanted ng Central Luzon sa isinagawang Manhunt Charlie operation nitong Martes, 13 Abril, sa lungsod ng Cabanatuan, lalawigan ng Nueva Ecija.
Kinilala ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano de Leon ang suspek na si Alberto Soriano, Jr., 51 anyos, may asawa, nakatira sa Sumacab Norte, ng nasabing lungsod.
Ayon sa ulat ni P/Col. Jaime Santos, provincial director ng Nueva Ecija PPO, isinilbi ng mga kagawad ng Cabanatuan City Police Station ang alias warrant na inisyu ni Honorable Johnmuel Romano Mendoza, Presiding Judge ng Cabanatuan City Regional Trial Court Branch 26.
Walang inerekomendang piyansa sa pansamantalang paglaya sa kasong dalawang bilang ng panggagahasa at acts of lasciviousness may petsang 13 Agosto 2018.
Sa impormasyon mula sa Cabanatuan City PNP, positibong itinuro si Soriano bilang pangunahing suspek sa pang-aabusong sekswal sa menor de edad na anak ng kanyang kinakasama noong 2012.
Nakatakdang iharap sa korte ng raiding team ang suspek na pansamantalang nakapiit sa custodial facility ng Nueva Ecija PNP.
(RAUL SUSCANO)