ARESTADO ang isang dalaga nang makuhaan ng 80 gramo ng pinatuyong dahon ng hinihinalang marijuana sa pakikipagtransaksiyon ng mga hindi kilalang operatiba ng Cabanatuan City Police Station SDEU nitong Linggo, 11 Abril sa Brgy. Daang Sarile, lungsod ng Cabanatuan, lalawigan ng Nueva Ecija.
Ayon sa ulat ni P/Col. Jaime Santos, direktor ng Nueva Ecija PPO, kay PRO3 Director P/BGen. Valeriano de Leon, huli sa akto ng pagbebenta ng ilegal na droga ang 18-anyos dalaga, hindi binanggit ang pangalan, bunsod ng mga ilulunsad na follow-up operations ng mga awtoridad matapos isailalim sa custodial investigation ang suspek.
Nakompiska mula sa suspek ang mga sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P12,000, isang cellphone, at P500 marked money.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Cabanatuan City Police Station ang suspek na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(RAUL SUSCANO)