PATAY sa enkuwentro laban sa mga kagawad ng CIDG PFU-Bataan, Orani Municipal Police Station, at Provincial Intelligence Unit ng Bataan PPO ang sinasabing lider ng Junjun Criminal Group sa ikinasang buy bust operation na nauwi sa shootout nitong Miyerkoles, 24 Marso, sa bayan ng Orani, lalawigan ng Bataan.
Ayon sa ulat ni P/Col. Joel Tampis, provincial director ng Bataan PPO, kinilala ni P/BGen. Valeriano de Leon ang suspek na si alyas Junjun, na idineklarang dead on arrival sa Orani District Hospital sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, habang nakatakas ang isang hindi pa kilalang suspek sakay ng getaway motorcycle.
Sa imbestigasyon, si alyas Junjun ang nakipagtransaksiyon sa ibinebentang kalibre .357 baril habang nagsilbing lookout ang isang kasamahan na sakay ng motorsiklo.
Napagtanto ng suspek na pulis ang katransaksiyon kaya kumaripas ng takbo habang pinuputukan ang mga humahabol na mga operatiba na agad gumanti ng mga putok na nagresulta ng kanyang kamatayan.
Nakukha ng nagrespondeng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang isang kalibre .357 baril, may anim na bala, isang kalibre 9mm pistola na may magasin, at apat na mga bala, mga basyo, at itim na sling bag.
Base sa intelligence report ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Bataan, lider ng Junjun Criminal Group ang suspek na lumilinya sa pagbebenta ng baril at mga dinamita gamit sa illegal fishing, gun for hire, pagtutulak ng ilegal na droga, at pangingikil sa lalawigan ng Bataan.
“While we are very much focused on our all-out war against illegal drugs, we continue to implement intensified police anti-criminality campaign to fight all forms of criminality and lawlessness,” pahayag ni P/BGen. De Leon.
(RAUL SUSCANO)