READ: Joshua, sobrang kinikilig kay Alice
MAY dahilan kung bakit binigyan ng Cinema Evaluation Board (CEB) ng Grade A ang pelikulang Bakwit Boys na napapanood na sa pagsisimula ng 2nd Pista ng Pelikulang Pilipino dahil inspirational ang kuwentong isinulat at idinirehe ni Jason Paul Laxamana mula sa T-Rex Entertainment.
Malinaw ang mensahe ng pelikula na huwag mawalan ng pag-asa habang may hininga ang bawat taong may pinagdaraanan sa buhay tulad ng kuwento ng magkakapatid na Ryle Santiago, Markie Empuerto, Vance Larena, at Nikko Natividad na mga biktima ng baha sa bayan nila sa Isabela at kinailangang mag-bakwit sa bahay ng lolo nila sa Pampanga kaya tinawag silang Bakwit Boys.
Mahirap ang buhay ng lolo nila kaya kailangang tumulong ng magkakapatid at dahil may mga angking talino sa musika, dalawa ang kumakanta (Vance at Mackie), isang tumutugtog ng gitara (Ryle), at nagsusulat ng kanta (Nikko) kaya pawang OPM songs ang mga awiting narinig sa pelikula.
Libangan lang ng magkakapatid ang pagkanta at dahil may mga boses kaya naiimbitahan sila sa piyesta noong nasa Isabela pa sila.
Kaya naman nang marinig din ng lolo nila at Barangay Chairman sa Pampanga ang tinig ng Bakwit Boys ay pinakanta sila sa piyesta at binayaran lang ng P1,000. Pero ang maganda ay narinig sila ni Devon Seron na may koneksiyon sa kilalang DJ sa nasabing bayan.
Sa probinsiya ang location ng buong pelikula at bilang lumaki sa Maynila ay gustong-gusto namin ang buhay probinsiya dahil napaka-simple, masarap ang simoy ng hangin, ang ganda ng kapaligiran, puro puno at bagay ito sa walang skin allergy at walang masyadong stress.
Well, sa kuwento ng Bakwit Boys ay stress sila kasi naghahanap nga sila ng pagkakakitaan para ipadala sa magulang na iniwan nila sa Isabela.
Tulad ng kuwento ni direk Jason Paul noong hindi pa siya nagdidirehe ay tumutulong siya sa mga kababayan niya sa Pampanga na nagtayo ng banda na pawang OPM songs ang kinakanta na dinadala niya sa MYX at ina-upload sa Youtube para mapansin.
Gustong tulungan ni direk JP na pasiglahin ang OPM songs kaya rito nakasentro ang kuwento ng pelikulang isinulat niya.
Nakatutuwa si direk JP, kung tutuusin ay parehong probinsiya ang locations ng dalawang pelikula niyang kasama sa 2nd PPP, ang The Day After Valentines at Bakwit Boys, mas hamak na malaki ang gastos ng Viva Films dahil sa ibang bansa pa sila nag-shooting kung ikukompara sa nagastos ng T-Rex Entertainment.
General Patronage o GP ang ibinigay ng MTRCB sa Bakwit Boys kaya waging-wagi ito sa mga kabataang supporters ni Mackie na miyembro ng TNT Boys na napapanood sa Your Voice Sounds Familiar Kids 2018.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan