NAKOMPISKA ng Bureau of Customs (BoC) ang hinihinalang cocaine na tinatayang P43 milyon ang halaga mula sa isang pasaherong dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (NAIA-T3) napag-alaman sa ulat.
Sa isang pahayag noong Huwebes, sinabi ng BoC na mahigit walong kilo ng cocaine na nagkakahalaga ng P43,428,200 ang nasabat mula sa isang overseas Filipino worker (OFW) noong 22 Enero 2026.
Ang 30-anyos pasaherong babae ay galing sa Brazil nang pigilan ng mga awtoridad na makalabas sa airport.
Nabanggit ng BoC na ang naka-check-in na bagahe ng pasahero ay nagpakita ng mga kahina-hinalang imahen mula sa x-ray machine, na siyang nagtulak sa beripikasyon.
Agad na isinagawa ang 100% physical examination, na humantong sa pagkakatuklas ng puting mala-kristal na substansiya na hinihinalang cocaine, may bigat na 8.194 kilo, nakatago sa loob ng bagahe.
Matapos ang inspeksiyon, sinabi ng BoC na ang ilegal na droga ay ibinigay sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa pagsasagawa ng laboratory examination, wastong disposisyon, at karagdagang imbestigasyon.
Dahil dito, ibinahagi ng BoC na ang pasahero ay nahaharap sa mga paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com