BIINARIL ng mga pulis ang isang 54-anyos guwardiya nang manlaban sa inspeksiyon at tinangkang saksakin ang isang opisyal sa Iloilo International Airport sa bayan ng Cabatuan noong Miyerkoles ng hapon, 28 Enero.
Nangyari ang insidente bandang 4:44 p.m. noong Miyerkoles, sa pre-departure area ng paliparan, ayon sa ulat mula sa Iloilo Police Provincial Office (IPPO).
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Roland Lañojan, isang guwardiya, at residente sa Tayong, Sagay, lalawigan ng Camiguin.
Sa inisyal na impormasyong ipinadala sa Iloilo Aviation Police Station, sinabing hinarang ng mga tauhan ng Office of Transportation Security ang isang pasaherong tumanggi sa inspeksiyon sa central security screening checkpoint nang matuklasan ang isang matalim na armas sa loob ng kanyang bagahe sa pamamagitan ng X-ray machine.
Nagresponde ang mga tauhan ng Aviation Security Unit 6 (AVSEU-6), sa pangunguna ni Police Executive Master Sgt. Dixon E. Zabala, kasama si Police Senior Master Sgt. Mark Lester A. Deocades at Patrolman Ramon D. Marcelino Jr., upang beripikahin ang ulat at hiniling sa pasahero na isuko ang kutsilyong hawak niya.
Sinabi sa ulat na tumanggi ang suspek na sumunod at sa halip ay tinangka niyang saksakin si Zabala nang ilang beses. Nakaiwas ang opisyal sa mga pag-atake at pagkatapos ay bumunot ng kanyang baril, saka pinutukan ang suspek nang isang beses na tinamaan sa balikat.
Agad tumulong ang mga medical personnel ng paliparan at dinala si Lañojan sa Western Visayas Sanitarium Hospital sa Barangay Bolong, Sta. Barbara, Iloilo (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com