MUKHANG unti-unti nang tinatalikuran ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang lumang gawing pagtatapal ng aspalto bilang solusyon sa sirang kalsada.
Sa isinagawang inspeksiyon sa Camarines Sur at Quezon kamakailan, inihayag ni DPWH Sec. Vince Dizon ang pagtigil sa mga patingi-tinging repair upang bigyang-daan ang isang komprehensibong plano sa tulong ng mga Japanese consultant. Ito ay sinang-ayunan ni Camarines Sur Gov. LRay Villafuerte, lalo na’t araw-araw na dinaranas ng mga Bicolano ang hirap sa biyahe.
Sa usapin tungkol sa road slipping at pangmatagalang tibay ng highway, mahalagang balikan ang isang magandang halimbawa. Sa Sorsogon, matagal nang nasubok at napatunayan ang ganitong approach sa ilalim ng pamumuno ng noo’y gobernador at ngayo’y senador na si Chiz Escudero.
Habang sa ibang lugar ay paulit-ulit na nasisira ang kalsada dahil sa minadaling solusyon, pinili sa Sorsogon ang mas maayos at pangmatagalang pamamaraan. Ang pagkuha ng mga eksperto at paggamit ng tamang teknolohiya ay nagpakita na ang kalidad ay hindi aksidente, kundi bunga ng maingat na pagpaplano.
Hindi nakapagtataka kung bakit binanggit at pinuri nina Sec. Dizon at Gov. Villafuerte ang karanasan ng Sorsogon. Isa itong patunay na ang pamantayang ipinatupad noon ay hindi lamang sapat para sa isang probinsiya, kundi maituturing na pang-international.
Ang karanasang ito ay nagsisilbing paalala sa mga namumuno. Hindi kailangan maghintay ng krisis bago kumilos. Kung nagawa ito sa Sorsogon, malinaw na maaari rin itong gawin sa iba pang rehiyon, basta may respeto sa siyensya at sa kakayahan ng mga eksperto.
Sa pag-aayos ng Maharlika Highway, sana ay maging gabay ang Sorsogon standard. Hindi lang dapat pansamantalang ginhawa ang target, kundi pangmatagalang solusyon na tunay na pinakikinabangan ng taong-bayan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com