HINDI naman tayo nanghuhusga pero ano itong nangyaring pag-iingay sa Kamara nitong Huwebes – ang tangkang pagsasama ng ikatlong impeachment laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pero kung susuriin ang pangyayari, kapuna-puna ang isang simpleng katotohanan sa politika – hindi naman lingid sa ating kaalaman na kapag hanap mo ay hustisya, kailangan mayroon kang sapat na ebidensiya at dokumento sa pagsasampa ng kaso habang ang naghahanap lang ng atensiyon ay pulos ngiyaw-ngiyaw lamang at siyempre… samahan ng kaunting drama para makakuha ng atensiyon.
E paano iyong eksena sa Kamara nitong Huwebes – iyong ginawa ng tropa ni dating Rep. Mike Defensor? Dumating sa Batasan, at nagpapansin (nga ba) sa media, at kalaunan ay nag-akusang “ini-reject” umano ng Office of the Secretary General ang kanilang impeachment complaint laban kay PBBM.
Ang tanong – isa nga bang seryosong legal na hakbangin ang pangyayari o isa lamang purong political theatrics o moro-moro para lamang sumakay sa isyu at lumikha ng ‘ingay’ para sa kanilang mga agenda? Nagtatanong lang po ha!
Tandaan natin kasi na ang tunay na malakas na kaso ay hindi naghihintay ng “media window.” ‘Ika nga kung talagang may mga nakahandang dokumento, may mga araw na bukas ang opisina at may mga opisyal na nakatalagang tumanggap nito.
Kung talagang malakas at handa ang kaso, maihahain ito kahit anong araw na bukas ang House—hindi lang kapag may isyung puwedeng gawing ingay.
Hindi ito kailangang gawan ng konklusyon bilang ‘naharangan’ o ‘na-reject’ dahil wala naman iniwan o isinumiteng dokumento.
Nauna rito, ang grupong Makabayan, bagama’t kritiko rin, ay nag-iwan ng kopya ng kanilang reklamo sa opisina ng Secretary General kahit wala si SecGen Cheloy Garafil. Ipinapakita nito ang intensitong ituloy ang proseso.
Ang tropa ni Defensor, walang iniwan na kopya pero paglabas, ang sigaw ay ‘ini-reject’ sila. Teka rejected? Hindi ba walang iniwang kopya – so, ano ang rejected doon? Bukod dito, ang isyu pa ay kapansin-pansin din na wala ni isang miyembro ng Kongreso ang tumayo sa tabi nila – kung baga, walang endorser ba. Pero ang sabi naman ng tropa ni Defensor ay mayroon daw at tatlong mambabatas ang endorser ngunit hindi muna nila pinangalanan. Secret daw muna.
Ayon sa batas, ang isang impeachment complaint mula sa mga mamamayan ay nangangailangan ng endorsement ng isang Congressman para umusad.
Tandaan na ang ang impeachment ay isang seryosong mekanismo ng ating demokrasya. Huwag natin itong hayaang maging kasangkapan sa pansariling interes.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com