GALIT at bibigyan ng hustisya ng Valenzuela local government unit (LGU), maging ang may-ari ng anim na taong gulang na American Bully na iniulat na pinutulan ng dila ng hindi pa nakikilalang suspek sa Valenzuela City.
Ito ay matapos mag-viral sa social media ang larawan ng asong si Kobe, kaya hiniling ng Animal Kingdom Foundation (AKF), maging ang iba pang grupong nangangalaga sa kapakanan ng mga hayop na imbestigahan ng mga awtoridad ang pangyayari upang mapanagot sa batas.
Ayon kay Mayor Wes Gatchalian, maaaring samoahan ng kasong paglabag sa R.A. 8485 o Animal Welfare Act ang may kagagawan ng kalupitan sa aso.
Sa kabila nito, inaalam pa ng pulisya kung sino ang suspek sa pamumutol ng dila ng aso.
Sa ngayon ay hindi pa rin maganda ang kondisyon ng American Bully na si Kobe sa pinagdalhang veterinary clinic na ayon sa beterinaryo ay hindi na maibabalik ang naputol na malaking bahagi ng dila dahil sa rami ng naputol na ugat.
Sa pahayag ng may-ari ng aso na si Rodlee Rivera-Zulueta, Martes ng madaling araw nang makita niya ang mga patak ng dugo malapit sa kanilang bahay sa Aratiles St. Brgy. Balangkas at nang sundan niya ito, nagulat siya nang makita ang kanyang alaga na duguan at tila nag-aagaw buhay kaya’t kaagad niyang isinugod sa veterinary clinic.
Nanawagan din ang may-ari ng aso na matulungan sila sa paghahanap ng hustisya lalo na’t hindi nila matanggap na nangyari sa kanilang mabait na alagang aso na hanggang ngayon ay walang katiyakan kung mabubuhay pa. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com