ni Gerry Baldo
NAGPAHAYAG ng panibagong manifetso ang 42 mambabatas mula Southern Luzon at Bicol Region na nagsasaad ng kanilang “buo at walang pasubaling suporta” kay Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III —patunay sa lumalawak na pambansang pagkakaisa sa likod ng kanyang liderato nitong mga nagdaang linggo.
Sa pinakahuling bilang, umakyat na sa 242 ang mga kongresistang hayagang sumusuporta kay Dy, kabilang ang 41 mula Visayas, 30 mula Metro Manila, 67 mula Mindanao, ang 39-miyembrong Northern Luzon Alliance, at 44 mula Party-list Coalition. May ilang mambabatas din na nagdagdag ng kanilang pangalan matapos unang ilabas ang kani-kanilang regional manifestos.
Ang manifesto ay lumabas, sa gitna ng maliit na hakahaka na may nagtatangkang maglunsad na coup d’ etat laban kay Dy.
Sa kanilang pahayag, 28 kongresista mula CALABARZON at MIMAROPA ang nagsabing ang kasalukuyang panahon ay nangangailangan ng matatag at principled leadership — hindi lamang kung sino ang ‘pinipili’ kundi yaong may integridad, malinaw na bisyon, at tapat na paglilingkod.
“Taglay ni Speaker Bojie ang mga katangiang pinakamahalaga sa pamumuno: matibay na dedikasyon, tamang paghusga, at ‘di natitinag na tungkulin sa bayan,” anila.
Binigyang-diin na ang liderato ni Dy ay nakabatay sa mga katangiang may pagdamay, pananagutan, at kongkretong resulta — mga katangiang nagtatangi sa kanya.
“Paulit-ulit nang pinatunayan ni Speaker Bojie ang kakayahang makinig nang may respeto, magpasya nang may katarungan, at kumilos nang may tapang,” ayon sa manifesto. “Sa panahong may mga hamon sa institusyon at sa bansa, naging haligi siya ng katatagan.”
Samantala, 14 miyembro ng Bicol bloc ang pumirma rin ng isang mariing pahayag ng suporta, na nakabatay sa pangangailangan ng “maaasahan, tumutugon, desidido, inklusibo, tapat, at may malasakit na pamumuno.”
Bilang rehiyong palaging tinatamaan ng bagyo, pagbaha, lindol at pagguho ng lupa, iginiit ng grupo na ang anumang pagbabago sa pamunuan ay maaaring magdulot ng pagkaantala sa mga programang pangrekoberi.
“Ang mga ‘di kinakailangang distraction ay nakasasagabal sa koordinasyon at pagpapatupad ng mga inisyatiba sa pagbangon,” babala nila.
Dagdag pa ng bloc, ang pagpapatuloy ng liderato ni Dy ay “nagpapanumbalik ng tiwala ng publiko at nagpapatibay ng kompiyansa sa institusyon.”
“Bilang mga Bicolano na sanay sa unos, naninindigan kaming nasa tamang kamay ang direksiyon ng Kamara,” anila. “Tiwala kaming kayang dalhin ni Speaker Dy ang bansa tungo sa ligtas at matatag na landas ng Bagong Pilipinas.”
Sinundan nito ang paglalathala ng kompletong listahan ng mga pumirmang mambabatas mula Laguna, Cavite, Batangas, Rizal, Quezon, Occidental Mindoro, Marinduque, at Palawan, gayondin mula Catanduanes, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon, Masbate, at mga kinatawan mula iba’t ibang party-list groups.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com