MAHIGIT 500 maralitang residente at mga tagapagtanggol ng karapatang pantirahan ang nagmartsa patungong National Housing Authority (NHA) para sa Panunuluyan 2025, isang simbolikong pag-alala sa paghahanap ng tirahan nina Maria at Jose. Layunin nitong ilantad ang patuloy na displacement at kawalan ng seguridad na dinaranas ng mga Informal Settler Families (ISFs).
Mula sa iba’t ibang komunidad sa Metro Manila at karatig-probinsiya, muling nanindigan ang mga organisasyon ng maralitang lungsod para sa kanilang panawagan na total condonation para sa lahat ng benepisyaryo ng NHA relocation, dahil sa kabiguan ng gobyerno na magbigay ng ligtas at disenteng pabahay.
Ibinunyag ng mga pamilya na dahil sa taon-taong korupsiyon at kapabayaan, napilitan silang gastusan at kumpunihin ang mga depektibong bahay—may sirang bintana, mahihinang pader, tumatagas na bubong, baradong drainage at sira o di gumaganang palikuran—madalas mula pa noong araw nang turnover. Marami rin relocation sites ang walang tubig at koryenye sa loob ng maraming taon, nagdulot ng dagdag na gastos at pagdurusa, kasama ang pagiging bulnerable sa baha, sakit, at iba pang panganib.
Bukod dito, ang malalayong relocation ay naglalayo sa mga manggagawa sa kanilang kabuhayan, dahilan upang maging imposibleng magbayad ng amortization.
“Ang total condonation ay hindi limos—ito ay kabayaran sa matinding pagdurusa at pinsalang pinansiyal na idinulot sa aming mga komunidad dahil sa pagkukulang ng NHA at paglabag sa kanilang obligasyon sa mamamayan,” ayon kay Gemma Quintero, Pangulo ng Community Organization of San Jose Del Monte Heights, Inc. (TEDDY BRUL)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com