ni TEDDY BRUL
INAASAHAN na mahigit 100 imahen ng Birheng Maria mula sa iba’t ibang parokya sa bansa at mga pag-aari ng iba’t ibang pamilya ang ilalahok sa 44th Grand Marian Procession (GMP) sa Linggo (Disyembre 7) sa Intramuros, Manila.
Ginaganap taon-taon ang prusisyon tuwing Unang Linggo ng Disyembre sa Plaza de Roma sa harapan ng Manila Cathedral sa Intramuros, Maynila bilang parangal sa Pista ng Immaculate Conception.
Magsisimula ang prusisyon dakong 4:00 ng hapon sa Plaza Roma pagkatapos ng banal na misa sa Manila Cathedral.
Kalahok sa prusisyon ng mga imahen ng Mahal na Birheng Maria ang La Naval de Manila; Our Lady of Porta Vaga ng Cavite City; Our Lady of the Pillar ng Imus; Banal na Pastol ng Gapan, Nueva Ecija; Morning Star ng Taytay, Rizal; Our Lady of Caysasay ng Batangas at Our Lady of Peace and Good Voyage ng Antipolo.
Kabilang din ang Our Lady of the Abandoned ng Marikina; Our Lady of Aranzazu ng San Mateo, Rizal; Our Lady of Light ng Cainta, Rizal; Our Lady of the Most Holy Rosary ng Cardona, Rizal; at ang Nuestra Señora de los Dolores de Turumba ng Pakil, Laguna.
Ang imahen ng Nuestra Señora de Turumba, na kilala rin bilang “Mahal na Inang Birhen ng Hapis” o Our Lady of Sorrows ay prominente at inaasahang bahagi ng prusisyon, na humahatak ng maraming deboto mula sa Pakil at sa mas malawak na publiko na karaniwang nakikiisa sa taunang kapistahan ng Immaculate Conception sa Intramuros. Ang mga deboto ay sumasabay sa parada, pag-indak at saliw sa Awit ng Turumba. Atang din nila ang replikang larawan ng Birhen l Ng Turumba habang sumasayaw.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com