PATAY ang isang security guard nang barilin ng kapwa sekyu makaraang magkapikunan sa pagtulog sa oras ng duty na nauwi sa pamamaril sa loob ng pinagtatrabahuang botika , Miyerkoles ng umaga sa Caloocan City.
Agad binawian ng buhay sanhi ng tama ng bala ng kalibre .9mm sa katawan ang biktimang si alyas Sonny, 48 anyos, residente sa M. Fernando St., Tangos South, Navotas City.
Nakapiit sa Caloocan City Police Station ang suspek na isang alyas Joseph, 41, at residente sa Kaunlaran Village, Barangay 8, Caloocan City.
Sa ulat nina PSSg Deojoe Dador at PSSg Randy Magastino kay Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth, dakong 8:20 ng umaga nang maganap ang insidente sa tapat ng isang drugstore sa kanto ng A. Mabini St., at C-3 Road, Brgy. 23 ng lungsod.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon, pinalitan ng suspek ang biktima bilang karelyebo sa kanilang binabantayang botika kaya isinoli na nito ang service firearm at nagtungo sa kanilang rest area para magbihis.
Nang mag-ikot ang suspek 7:45 ng umaga, napansin niyang natutulog at hindi pa umuuwi ang biktima sa rest area na bawal sa panuntunan ng kompanya kaya ginising niya ito at pinagsabihan ang kasamahan na umuwi na.
Imbes sumunod, pinagsalitaan umano nang hindi maganda ng biktima ang karelyebo na nauwi sa mainitang komprontasyon.
Hanggang paluin ng suspek sa ulo ang biktima na dahilan ng pagkasugat sa ibabaw ng kaliwang mata.
Binato ng biktima ng container ang suspek na naging dahilan upang bunutin nito ang service firearm saka dalawang ulit na pinaputukan ang kapwa security guard.
Kusang loob na sumuko sa pulisya ang suspek dala ang ginamit na service firearm. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com