NALAMBAT ng Malabon City Police sa ikinasang manhunt operation ang nagtagong e-trike driver matapos isyuhan ng warrant of arrest sa kasong panggagahasa, Martes ng hapon.
Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Allan Umipig, ang akusado ay isang lalaking 34-anyos, residente sa Camus Extension, Brgy. Ibaba.
Naglabas ng warrant of arrest ang Malabon City Regional Trail Court (RTC) Branch 73, kaya agad ikinasa ang manhunt operation para tugisin ang akusado na kasama sa top ten most wanted persons sa Malabon Police.
Dakong 2:30 Martes ng hapon nang tuluyang masukol ng tumutugis na mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon Police ang akusado sa kanilang lugar.
Hindi pumalag ang akusado nang isilbi ng pulisya ang arrest warrant na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Ang pagkakaaresto sa akusado ay bahagi ng kanilang pinaigting na pagpapatupad ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) para sa patuloy na pagtugis sa mga lumalabag sa batas. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com