ILANG ARAW bago magbakasyon ang senado ay nagpahayag ng pagbibitiw bilang Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee si Senate President Pro-Tempore Panfilo “Ping” Lacson ngunit sa muling pagbabalik sesyon ng senado ay muli niya itong pamumunuan.
Ito ang tahasang sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III matapos mahirapang makakuha ng senador na papalit kay Lacson para pamunuan ang naturang komite matapos magbitiw ng huli.
Tumanggi si Sotto na idetalye pa ang lahat kung paano nahikyat si Lacson na muling pamunuan ang komite dahil aniya masyadong mahaba ang istorya.
Magugunitang nagbitiw si Lacson matapos na magbigay ng komento ang ilang senador na hindi sila nagiging masaya sa pagpapatakbo ng pagdinig ni Lacson ukol sa kontrobersiyal na flood control projects kickback.
Aminado si Sotto na nakatulong nang malaki para makombinsi si Lacson ang panawagan ng mga kapwa niya senador ganoon din ang mismong sigaw ng taong bayan.
Nanindigan si Lacson na ang kanyang isinasagawang pagdinig ay naaayon sa paghahanap ng katotohanan at hindi siya nangangamba kahit sino ang tamaan ng naturang imbestigasyon.
Matatandaang sa pagharap ng ilang testigo sa pagdinig ay lumutang ang pangalan nina dating Senate President Francis “Chiz” Escudero, Senador Jinggoy Estrada, at Joel Villanueva ganoon din ang pangalan ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr.
Binaalanan ni Lacson si Sotto na sa kanyang muling pagtanggap sa pamumuno ng komite ay tiyak na mayroong posibilidad na kumalas ang ibang miyembro ng mayorya at mawala siya sa puwesto bilang Senate President. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com