GAGANAPIN sa Buenavista Central Elementary School sa Agusan del Norte ang Mindanao leg ng 2025 Indigenous Peoples (IP) Games sa Oktubre 11-12, 2025, na lalahukan ng halos 300 atleta mula sa 11 lungsod at bayan: Nasipit, Las Nieves, Buenavista, Cabadbaran City, Carmen, Jabonga, Tubay, Santiago, Kitcharao, Remedios T. Romualdez (RTR), at Butuan City.
Tampok sa palaro na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mga tradisyunal na laro tulad ng pintik (palaso), bangkaw (sibat), bag-ud, sudsud (pambabae), takyang (pambabae), indigenous race, tug of war, paglikha ng apoy, lubok-humay, at unahik, palosebo, katkat kawayan.
Ayon kay PSC Commissioner Matthew “Fritz” Gaston, mahalaga ang palarong ito sa pagpapalaganap ng pagkakaibigan at kompetisyon sa hanay ng mga katutubo sa kaniyang pagdalo sa PSA Forum sa conference room ng Rizal Memorial Sports Complex nitong Martes
Dadalo si Commissioner Edward L. Hayco bilang kinatawan ng PSC bilang guest of honor sa opening ceremony ng IP Games. Suportado ang aktibidad nina Buenavista Mayor Joselito Roble at Agusan del Norte Governor Maria Angelica Rosedell Amante.
Hindi natuloy ang Visayas leg dahil sa bagyo, habang ang Luzon leg ay inaasahang maisisingit bago ang SEA Games sa Disyembre. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com