NAGBIGAY ng courtesy visit sina International Series Head Rahul Singh at Tournament Director Pat Janssen kay Chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) Patrick “Pato” Gregorio bilang paghahanda para sa Manila leg ng prestihiyosong International Series, na nakatakdang ganapin sa Oktubre 23-26, 2025 sa Sta. Elena Golf and Country Club.
Pangungunahan ni top-ranked Filipino golf star Miguel Tabuena ang mga pambato ng Pilipinas, na makikipagtagisan sa ilan sa pinakamagagaling na manlalaro ng golf mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Kumpirmado ng mga organizer ang paglahok ng ilang bituin mula sa LIV Golf, kabilang sina major champions Bubba Watson, Patrick Reed, Charl Schwartzel, at Louis Oosthuizen.
“Ikinagagalak naming dalhin sa wakas ang International Series sa Pilipinas at makipag-ugnay sa masigasig na komunidad ng golf dito,” ani Singh. “Isa itong mahalagang hakbang para sa pagpapalago ng golf sa Timog-Silangang Asya.”
Ipinahayag din ni Chairman Gregorio ang kanyang kasabikan, at binigyang-diin ang dedikasyon ng PSC sa pagho-host ng mga pandaigdigang paligsahan sa isports.
“Ipinagmamalaki naming salubungin ang ilan sa pinakamahusay na golfers sa mundo para sa paligsahan, kasunod lamang ng FIVB Men’s Volleyball World Championships,” ani Gregorio. “Ipinapakita nito ang aming adbokasiya para sa sports tourism at pinapatingkad ang Pilipinas bilang isang pangunahing destinasyon para sa mga internasyonal na kompetisyon.”
“Umaasa kaming makapagtala ng kasaysayan kasama ang LIV Golf, at layunin naming magkaroon ng makabuluhang ugnayan na magsisilbing tulay para sa mas malawak na pagtutulungan tungo sa paglago ng golf sa bansa,” dagdag pa niya.
Ang International Series, na aprubado ng Asian Tour at kaakibat ng LIV Golf, ay patuloy na lumalawak sa pandaigdigang entablado, at inaasahang maghahatid ng dekalidad na aksyon ang Manila leg habang pinapataas ang reputasyon ng Pilipinas sa larangan ng internasyonal na golf. (PSC-PR)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com