Sunday , December 14 2025
https://www.facebook.com/bingoplusph
Firing Line Robert Roque

Wa’ epek ang pagluha

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

SINONG hindi magiging emosyonal sa gitna ng malupit na realidad: garapalan ang korupsiyon na nagbunsod sa paglusong sa baha ng mga manggagawang Filipino, maging mga estudyante. Halos mapaiyak si President Marcos sa panayam sa kanya ng GMA News anchor na si Vicky Morales nang magpahayag siya ng pagkadesmaya sa mga contractors at sa ilang masasamang tauhan ng gobyerno na nagsasabwatan sa mga ‘ghost’ flood control project.

Matindi na ang galit ng publiko at maraming netizens ang bumabatikos sa Pangulo, dahil nangyari ang lahat sa ilalim ng kanyang pamumuno. Kaya bagamat mahirap para sa kanya na nakikitang nagdurusa ang mga Filipino, bata man o matanda, sa paglusong sa baha — ang ilan ay nawalan ng tirahan, habang ang ilan ay namatay sa leptospirosis — mas mahirap pa rin tanggapin ang katotohanan na mga disenteng tao ang napupuruhan, nagtitiis sa parusang epekto ng pandarambong sa pondo ng bayan.

Habang tuloy-tuloy lang ang mga taxpayer sa pagbabayad sa ‘ghost’ flood-control projects na nasertipikahang “100% complete” at nabayaran nang buo, pero ang katotohanan ay wala ni isa mang sako ng semento ang naibuhos sa pagawain, ang inyong luha, Mr. President, ay walang maitutulong para mapanagot at papagdusahin ang mga kriminal.

Ang iniutos ninyong masusing pagbusisi sa budget ng DPWH para sa 2026 ay isa lang sa mga hakbangin, pero ang totoong pagpapanagot sa mga nagkasala ay nangangailangan ng hindi lang simpleng auditing. Ang bawat inhinyero, bawat contractor, bawat opisyal ng gobyerno na pumirma sa mga kunwa-kunwaring proyektong ito ay dapat na matukoy.

Pero rito na pumapasok ang problema — kahit pa ipinag-utos ng Presidente ang masusing auditing, ang mismong mga institusyong naatasang imbestigahan ang mga mandarambong ay nag-aalanganin sa pag-iimbestiga. Ang pagdinig ng tri-committee ng Kamara noong nakaraang linggo ay hindi lamang basta naglantad ng mga anomalya sa flood control — nabunyag din ang kawalang interes ng mga mambabatas na siyasatin ang mga kabaro nila.

Ang mga mosyon para imbitahan si Ako Bicol Rep. Zaldy Co — “Specimen No. 1,” inaakusahang nagsingit ng ₱13.8 bilyon sa bicam budget — ay agarang hinarang. Bigla na lang, nasa Amerika raw si Co para sa “medical treatment.” Kombinyente ang timing, kombinyente rin ang palusot.

Ang mas malala pa, sinabi ni House Infra Committee Chair Terry Ridon at mga kaalyado niya na ang kaso ni Co ay “not within scope,” isang linyahan na lalo lang nagpapatindi sa suspetsa na may pinoprotektahan ang mga mambabatas.

Nagbigay si Rep. Chel Diokno ng apat na mungkahi, na inaasam nating isusulong ni bagong DPWH Chief Vince Dizon, upang mapatino ang mga opisyal sa kanyang kagawaran, sisimulan sa pag-obliga sa lahat ng opisyal at empleyado na pumirma ng waivers ng bank secrecy law. Kung wala silang ginagawang masama, wala silang dapat itago; kung meron naman, ipagkakanulo sila ng pera nila sa banko.

Pangalawa, bawiin ang lahat ng government-issued devices — phones, laptops, computers — na ginamit ng mga dati at kasalukuyang opisyal na lumagda sa mga ghost o hindi natapos na proyektong nabayaran na nang buo. Pangatlo, atasan ang mga telco na panatilihin ang call logs, mensahe, at geolocation data mula sa mga nasabing device. Kung nanakaw ang pera ng taong-bayan gamit ang government-issued gadgets, ang mga record na iyon ay pagmamay-ari na ng publiko bilang ebidensiya.

Sa huli, tinukoy ni Diokno ang desisyon ng Supreme Court sa cyber-warrant powers. Maaaring kumuha ang DPWH ng mga court warrant upang pakialaman at kumuha ng mga datos mula sa government-issued gadgets para makabuo ng mga kinakailangang kaso laban sa mga opisyal na nasa likod ng nasabing sistematikong korupsiyon.

Sa Senado, iginigiit ni Sen. Panfilo Lacson na mapangalanan ang mga kongresistang nasa likod ng “individual amendments” na nagsingit ng bilyon-bilyong piso sa budget ng DPWH para sa flood control projects na hindi naman nag-e-exist. Hindi maaaring baha-bahagi lang ang transparency, aniya. Dapat ay ganap ang transparency sa pagpapanagot sa mga may sala.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kapag tama ang paggamit ng pondo, lahat tayo panalo

AKSYON AGADni Almar Danguilan SA RAMI ng ingay na nilikha ng balita tungkol sa pagbabalik …

Aksyon Agad Almar Danguilan

500k TPMM raliyista safe sa seguridad ng QCPD

AKSYON AGADni Almar Danguilan HINDI sapat ang salitang “Salamat QCPD” sa pagbibigay seguridad sa halos …

Dragon Lady Amor Virata

Si general social media at tv ang gusto, ayaw sa diyaryo, para sikat!

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata SINO itong General na binara-bara ang mga diyarista at …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Tsismis vs katotohanan

AKSYON AGADni Almar Danguilan MARAMI nang naganap na pagdinig sa Blue Ribbon Committee tungkol sa …

Sipat Mat Vicencio

Chiz, Jinggoy ‘patay na ang karera sa politika’

SIPATni Mat Vicencio DAHIL sa iba’t ibang kontrobersiyang kinakaharap nina Senator Chiz Escudero at Senator …