PINALAGANAP ng Pagkakaisa ng mga Users, Stakeholders at Obrero ng NAIA (PUSO ng NAIA) ang isang petisyon na nananawagan ng agarang suspensiyon sa nakaambang pagtaas ng terminal fee at iba pang bayarin sa paliparan na nakatakdang ipatupad sa 15 Setyembre sa ilalim ng bagong pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Nakalikom ang National Confederation of Labor (NCL), kasaping organisasyon ng alyansa, ng suporta mula sa mahigit 100 overseas Filipino workers (OFWs) sa isinagawang Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) sa KAKAMPPI-PDOS Center sa Maynila.
Bagama’t iginigiit ng Department of Transportation (DOTr) at ng ahensiya nitong Manila International Airport Authority (MIAA) na hindi saklaw ng taas-singil ang mga OFW, ipinaliwanag ni Glecy Naquita, tagapagsalita ng NCL, na ramdam pa rin ng mga manggagawa ang “chain-reaction” ng dagdag-gastos sa NAIA.
Kasama rito ang pasanin sa mga biyahero at ang pagtaas ng bayad sa mga package at padalang balikbayan box ng mga migranteng manggagawa para sa kanilang pamilya sa bansa.
“Hindi makatarungan na ipapasan sa ordinaryong pasahero at manggagawang migrante ang bilyong pisong pamumuhunan ng pribadong sektor. Ang paliparan ay dapat para sa serbisyo publiko, hindi para sa tubo ng iilan,” saad ni Naquita
Matatandaan na inilagay na sa pribadong pamamahala ang NAIA matapos aprobahan ng pamahalaan ang ₱170.6 bilyong Public-Private Partnership (PPP) kasama ang New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC), isang consortium na pinangungunahan ng San Miguel Corporation. Ipinagkaloob sa kanila ang 15-taong concession agreement (na maaaring palawigin hanggang 25 taon) upang patakbuhin at isaayos ang pangunahing paliparang pandaigdig ng bansa.
Kasabay nito, naglabas ang MIAA ng Administrative Order No. 1 (s.2024), na nagtatakda ng malalaking pagtaas sa mga bayarin sa paliparan. Kabilang dito ang passenger service charge na itataas mula ₱200 tungo sa ₱390 (domestic) at mula ₱550 tungo sa ₱950 (international) sa Setyembre 2025. Tataas din ang landing at take-off fees, cargo charges, at parking rates.
Itinatag noong Hulyo, ang PUSO ng NAIA ay isang malawak na alyansa ng mga manggagawa, pasahero, at iba pang stakeholder na nagkakaisa upang tutulan ang hindi makatarungang taas-singil.
Nanawagan ang alyansa ng tunay at makabuluhang konsultasyon sa lahat ng maaapektohan at iginiit na hindi dapat isakripisyo ang serbisyong panlipunan para sa pribadong tubo. (TEDDY BRUL)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com