AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
BAGAMAT hindi pa hinahatulan ng korte ang tatlong naarestong ‘salarin’ na sangkot sa magkakahiwalay na pagpaslang sa Quezon City, ikinatuwa at nagpapasalamat na ang mga kaanak ng mga biktima sa Quezon City Police District (QCPD).
Bakit? Una’y dahil sa agarang pagkalutas sa pagpatay sa isang negosyante, isang rider at isa pang lalaki. Pangalawa ay masasabing nakamit o Malaki ang pag-asang makakamit na ng mga biktima maging ng kanilang mga kaanak ang katarungan.
Lutas agad sa loob ng ilang oras o araw ang mga kaso dahil sa direktiba ni QCPD Acting District Director, PCol. Randy Glenn Silvio kaugnay sa walang humpay na kampanya nito laban sa kriminalidad upang panatilihin ang kaayusan at katahimikan ng lungsod para sa seguridad ng milyong QCitizens.
Nakamit agad ang katarungan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng QCPD sa mga isinagawang magkakahiwalay na follow-up operations na nagresulta nga sa pagkakaaresto ng mga salarin.
Nitong Setyembre 3, sa loob lamang ng dalawang araw ay agad nalutas ng QCPD ang pagpatay noong Setyembre 1 sa negosyanteng nagmamay-ari ng laundry shop sa Barangay Bagbag, QC. Pinasok ng isang TNVS rider sa kanyang shop ang biktima at saka pinagnakawan, binaril, at napatay bago tumakas.
Agad na ipinag-utos ni Silvio ang pagbuo ng Special Investigation Team (SIT) upang manguna sa pagresolba sa kaso. Sa isinagawang CCTV backtracking ng SIT, hot pursuit, at sa suporta ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), Novaliches Police Station 4, District Special Operations Unit (DSOU), District Anti-Carnapping Unit (DACU) at barangay personnel, nadakip ang suspek na si alyas Mike Joey, residente sa Brgy. Baesa, Quezon City.
Kinilala ang suspek nang iberipika ng QCPD sa LTO ang plaka ng kanyang get-away motorcycle na nakarehistro sa kanyang asawa.
Bunga ng mga nakalap na impormasyon, nadakip ang suspek nitong Setyembre 3, 2025, bandang 10:03 AM, sa Sitio Pajo Market, Brgy. Baesa. Lutas ang kaso sa loob ng 48-oras.
Sa loob naman ng 4-araw, nalutas din ang pagpatay sa rider na pinagbabaril at napatay ng dalawang lalaking nakamotorsiklo noong Agosto 31, 2025. Pinagbabaril ang biktima makaraang makipagtalo sa dalawang salarin sa Salazar Drive, Barangay Balon Bato, QC. Ang dalawa ay kapwa armado ng baril.
Bunsod ng kautusan ni Silvio, isa sa salarin, si alyas Kenneth, residente sa Brgy. 28, Caloocan City ay nadakip nitong Setyembre 4, sa Tuna St., Maypajo, Caloocan City. Siya ay naaresto sa pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), Talipapa Police Station (PS 3), District Intelligence Division (DID), at District Special Operations Unit (DSOU) maging sa pakikipag-ugnayan sa Caloocan City Police Station at barangay personnel ng Caloocan City. Lumabas din sa ISAV na ang salarin ay sangkot sa kasong paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), B.P. 6 at Resistance and Disobedience to a Person in Authority or Agents of Such Person noong October 2020.
Lutas din sa loob ng 24-oras ang pamamaril at pagpatay sa isang lalaki ng kanyang kapitbahay makaraang sumuko ang salarin matapos makilala sa pamamagitan ng Facebook at sa tulong ng anak ng salarin.
Sumuko si alyas Noly, 53, residente sa Brgy. UP Campus, Quezon City sa mga operatiba ng Anonas Police Station 9 na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Zachary Capellan nitong Sabado, Setyembre 6, 2025 habang nagtatago sa Tondo, Maynila.
Setyembre 5, 2025, nagtalo ang biktima at ang suspek hanggang magsuntukan at barilin ni Noly ang biktima nang dalawang beses sa dibdib at isa sa ulo sa Barangay UP Campus, Quezon City bago tumakas.
Bunga nang walang humpay na kampanya ni Silvio laban sa kriminalidad, agad na kumilos ang PS 9. Sa pamamagitan ng Facebook nakilala ng mga operatiba ang suspek…at nakipag-ugnayan din ang pulisya sa FB messenger ng anak ng salarin.
Sa tulong ng anak, sinamahan nito ang mga operatiba sa pinagtataguan ng ama sa Tondo, Maynila kung saan sumuko nang maayos si Noly. Lumabas din sa ISAV, ang suspek ay nasangkot sa kasong Falsification of a Public Document noong November 2023.
Nakalulungkot man ang pangyayari — ang dinanas ng mga biktima, masasabing napawi na kahit paano ang kalungkutang nararamdaman ng mga iniwang mahal sa buhay ng mga biktima dahil agad nalutas ng QCPD ang krimen na masasabing nakamit na ang panimulang katarungan.
Congratulations Col. Silvio, sampu ng mga pulis na nasa likod ng mabilisang paglutas sa tatlong kaso, lalo na ang mabilisang pagkamit ng katarungan para sa mga biktima at sa kanilang iniwang mga kaanak.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com