TINIYAK ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na walang humpay ang ginagawang paglaban sa child exploitation ng lungsod at nasa 50 biktima na ang kanilang nailigtas simula noong 2022.
Ito ang naging pahayag ng alkalde kasunod ng kanilang pakikipagtulungan sa mga alagad ng batas upang masagip ang pitong menor de edad sa isang entrapment operation laban sa trafficking in person at online sexual abuse and exploitation of children sa Barangay Calzada, Tipas noong Martes ng gabi.
Agad nagbigay ang Lungsod ng Taguig ng agarang suporta at proteksiyon para sa mga biktima/survivors.
Ang operasyon na isinagawa daking 9:20 p.m. noong 3 Setyembre ay pinangunahan ng Philippine National Police National Headquarters kasama ang Women and Children Protection Desk (WCPD)-Taguig.
Naroon sa lugar ang mga lokal na social worker mula sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) upang tiyakin ang kaligtasan ng mga nailigtas na menor de edad.
Sila ay gumanap bilang pansamantalang tagapag-alaga, pinadali ang medico legal examinations, medical checkups, at nagbigay ng agarang psychosocial intervention.
Nakipag-ugnayan din ang Lungsod ng Taguig sa isang child-caring facility kung saan ililipat ang mga biktima para sa pangmatagalang rehabilitasyon pagkatapos ng inquest proceedings.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na kinukunan ng ina ng mga biktima ang kanyang mga anak ng malalaswang video at ibinebenta online sa mga dayuhang kliyente sa halagang P2,500 bawat transaksiyon.
Iniulat na tinulungan at kasapakat ang kanyang 19-anyos anak na babae, na pinilit din ang kanyang sariling 3-anyos anak— apo ng prime suspect—sa exploitation.
Ang dalawang suspek na naaresto sa operasyon ay kasalukuyang nakakulong at nahaharap sa maraming kaso sa ilalim ng Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, Anti-Child Pornography Act of 2009, at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Mariing kinokondena ni Cayetano ang krimen, at ipinangako na mananatiling walang humpay ang Taguig sa paglaban sa pang-aabuso.
“Walang puwang sa ating lungsod ang mga ganitong uri ng pang-aabuso. Hindi natin hahayaang may batang naaalipusta lalo sa kamay ng mga taong dapat sana’y nagmamahal at nag-aalaga sa kanila. Sa Taguig, buo ang ating paninindigan—ang mga bata ay laging ligtas at laging may kinabukasan,” ani Cayetano.
Simula nang muling maupo si Cayetano sa puwesto noong Hunyo 2022, aktibong sinusubaybayan at tumutulong ang Taguig sa mga operasyon ng pagsagip na nagta-target sa online sexual abuse o exploitation of children. Ang CSWDO ay lumahok sa 18 operasyon ng pagsagip, na nakatulong sa pagliligtas ng 50 biktima/survivors mula Hunyo 2022 hanggang sa kasalukuyan.
Patuloy na sasamahan ng mga social worker ng Taguig ang mga menor de edad sa mga pagdinig sa korte at ipoproseso sa psychosocial support bilang bahagi ng pangmatagalang rehabilitasyon at interbensiyon ng lungsod. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com