HINIHIKAYAT ang mga kabataang atletang interesado sa larong Roll Ball o kompetisyong maihahalintulad sa basketball kung saan ang mga player ay gumagamit ng roller skates, head gear, vest at elbow band na lumahok sa national tryouts at mapili bilang kinatawan ng Pilipinas na isasabak sa United Arab Emirates sa Disyembre.
Ipinaliwanag ni Philippine Roll Ball Association Inc. (PRBA) president Tony Ortega na taong 2023 nang magsimula ang laro sa bansa kung saan ay ginagamitan din ito ng halos kasinglaki ng court ng basketball, hango ang laro mula sa bansang India na sinimulan noong 2003 na binubuo ng 6 katao sa bawat 2 teams na dumidribol din ng bolang pambasketball at saka ipapasok sa isang malaking net na tinatawag na goal.
“Yes we are looking for the best of the best. Hindi height ang labanan dito kundi bilis at agility ng isang atleta para magwagi. Lahat ng gustong mag-tryout mayroon kami sa Fairview ng Miyerkules, Sept. 10 at makikita po sa Facebook page ng PRBA ang iba pang schedule,” ayon kay Ortega na isa ring church Pastor nang dumalo kahapon sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Usapang Sports na inagapayan ng Lila coffee.
Kasalukuyang nagsasagawa ang organisasyon ng national team tryouts bilang basehan ng pagpipiliang Philippine National Team na sasabak sa nalalapit na 7th Roll Ball World Cup sa Disyembre 2025 sa Dubai.
Umaasa rin si Ortega na makakabuo ng tamang bilang ng mga atleta ang PRBA mula sa mare-recruit sa tryouts para sa world championship at inaasahan din niya ang suportang maipagkakaloob ng Philippine Sports Commission at ng iba pang Local Government Units.
Ayon kay coach Marian Elaine De Chavez na siyang ring Secretary ng grupo, “Bukod sa men’s team ay baka isunod na rin naming buuin ang women’s team maging ng batang team na madali lang para sa isang roller skater na matutunan ang laro dahil ang skills ay tulad ng handball.”
Unang naging mga koponan ng Roll Ball ayon kay Dr. Dany Carandang, School Affairs Director ay ang mga atletang mula sa mga private schools mula sa Muntinlupa City at Quezon City. “We’re looking for skilled, fast, and fearless players to wear the flag and make history. This is their chance to break into the international scene and be part of a sport that’s taking Southeast Asia by storm.”
Ang Kenya ang doble kampeon sa parehong kategorya sa ika-anim at huling edisyon noong 2023 sa Pune, India na kinikilalang lugar kung saan naimbento ang laro noong 2005. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com