ISANG BAGONG henerasyon ng mga baguhang bituin sa gymnastics mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang inaasahang matutuklasan habang sila’y magpapasiklaban sa ikatlong FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships na gaganapin mula Nobyembre 20 hanggang 24 sa Manila Marriott Hotel sa loob ng Newport World Resorts sa Lungsod ng Pasay.
Inorganisa ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) at inaprubahan ng International Gymnastics Federation (na kilala rin sa French acronym na FIG) at ng Asian Gymnastics Union, ang makulay na kaganapang ito ay magtitipon ng mga natatanging junior gymnasts na posibleng maging susunod na Simone Biles at Carlos Edriel Yulo, na nag-uwi ng dalawang gintong medalya para sa Pilipinas sa Paris Olympic Games noong nakaraang taon.
“Ang Artistic Gymnastics Junior World Championships ay isang entablado ng mga batang talento na hindi pa natin nasasaksihan kailanman — isang tagpuan kung saan maaaring magningning, magpakitang-gilas, at magtagumpay ang mga kahanga-hangang atleta,” ani GAP President Cynthia Carrion sa media launch ng event sa Newport Performing Arts Theater ng Newport World Resorts Mall.
“Lubos ang pasasalamat namin kay FIG President Morinari Watanabe sa muli niyang pagtitiwala sa GAP at sa inyong lingkod upang maging host ng isang prestihiyosong kompetisyon na ito,” dagdag pa ni Carrion ukol sa patimpalak na nakalaan para sa mga MAG (Men’s Artistic Gymnastics) gymnasts na may edad 16 hanggang 18, at WAG (Women’s Artistic Gymnastics) gymnasts na 14 hanggang 16 taong gulang.
Sa harap ng mga pangunahing opisyal ng FIG at mga pinuno mula sa pribado at pampublikong sektor, ikinatuwa niyang ianunsyo na halos 1,000 atleta mula sa 79 bansa ang nakapagparehistro na, mahigit dalawang buwan bago ang aktuwal na torneo.
Kabilang din sa mga dumalo ay si Philippine Sports Commission Chairman Patrick Gregorio, isang tagapagtaguyod ng sports tourism, na nangakong buong suporta ng ahensiyang pampalakasan ng gobyerno sa nasabing palaro.
Naroon din sina FIG Men’s Artistic Gymnastics Technical Committee President Andrew Tombs, Women’s Artistic Gymnastics Technical Committee President Donatella Sacchi, MAG Senior Events Manager Stepane Detraz, at WAG Senior Events Manager Celine Cachemaille.
Dumating sila noong Miyerkules upang personal na inspeksyunin ang mga paghahanda ng host association, kabilang na ang kahanga-hangang Manila Marriott Hotel Grand Ballroom — ang lugar kung saan ginanap ang Asian Olympic Qualifying Tournament noong 2015 — at magsisilbing arena ng mga kalahok.
Ipinagmalaki ni Carrion na nalampasan na ng kasalukuyang edisyon ang bilang ng mga kalahok noong ikalawang edisyon ng torneo sa Antalya, Turkey dalawang taon na ang nakararaan, kung saan 283 atleta mula sa 64 na bansa ang lumahok. “At inaasahan pa naming mas dadami pa ang mga sasali habang papalapit ang event,” aniya.
Ayon kay Carrion, ang tuloy-tuloy na paglago ng bilang ng mga kalahok ay patunay sa lumalawak na kasikatan ng makulay at dynamic na Olympic sport na ito, at ang 3rd FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships ay magiging tulay pa lalo sa paglawak ng interes dito sa buong mundo.
Kaugnay nito, inilunsad din ni Carrion ang opisyal na slogan ng paligsahan: “Leap High, Flip Strong!” na naghihikayat sa mga kalahok na maniwala sa sarili at magkaroon ng positibong pag-iisip sa kabila ng mga hamon ng kompetisyon.
“Mahalaga ito sa tagumpay sa anumang larangan — lalo na sa masidhing isport ng gymnastics,” dagdag niya.
Tiniyak din ni Carrion na mararanasan ng lahat ng mga delegado ang kilalang Filipino hospitality sa isang ligtas, komportable, at masayang kapaligiran sa kanilang buong pananatili sa bansa. (GAP)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com