ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ALINSUNOD sa mandatong itaguyod ang responsableng panonood at matiyak ang angkop na klasipikasyon sa lahat ng pelikula at programa sa telebisyon, nakapagribyu ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng 11,439 materyales noong Hulyo 2025.
Kabilang dito ang 10,325 programa sa telebisyon, 758 TV plugs, 159 publicity materials, 144 movie trailers at 53 lokal at banyagang pelikula.
“Ang mga numerong ito ay patunay ng matatag naming pangako na protektahan ang pamilyang Filipino, lalo ang mga bata, sa pamamagitan ng tama, angkop at responsableng paggabay sa media,” sabi ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto.
Dahil dito, umabot na sa 115,091 materyales ang nabigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB mula Enero hanggang Hulyo 2025.
“Bagamat mayroon lamang 31 Board Members ang MTRCB, ang pagriribyu nila nang mahigit 11,000 materyales ay patunay ng masigasig nilang serbisyo at tapat na pagtupad sa tungkulin para sa responsableng panonood,” sabi pa ni Sotto.
Patuloy na tinitiyak ng MTRCB ang pakikipagtulungan nito sa industriya ng paglikha para maisulong ang responsableng panonood para sa bawat pamilyang Filipino, lalo na sa kabataan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com