Sunday , December 14 2025
https://www.facebook.com/bingoplusph
Antonia Lucia Raffaele Zoe Lim Philippine Artistic Swimming Team

Sa Hong Kong Open
Philippine Artistic Swimming Team, nakasungkit ng 3 bronze medals

PATULOY ang pag-igting ng koponan ng artistic swimming ng Filipinas sa pandaigdigang entablado, matapos nilang maiuwi ang tatlong tansong medalya mula sa katatapos na Panasonic Pan Asia 21st Hong Kong Artistic Swimming Open Championships na ginanap sa Kowloon Park Swimming Pool.

Sa pangunguna ng 15-anyos na si Antonia Lucia Raffaele mula sa Lungsod ng Bacolod, ipinamalas niya ang galing at elegante sa kanyang pagganap at nasungkit ang tansong medalya sa Youth 13–15 Figures at Solo Free Routine (International Category) na may kabuuang puntos na 202.22.

Kasunod nito, nakipagsanib-puwersa ni Raffaele kay Zoe Lim, 13 anyos, at magkasama nilang naiuwi ang isa pang tansong medalya sa Duet Free Routine (Youth 13–15 International Category). Ang buong koponan ng Filipinas na binubuo nina Maddison Durban (10), Vanni Duvongco (12), Annika Ritual (13), Sophia Solideo (12), Nyx Uy (13), Lim, at Raffaele ay nagtamo rin ng ikatlong puwesto sa Team Free Routine (International Category).

“Ito ay isang napakagandang tagumpay para kay Toni, ang kanyang coach na si Giella Garcia Sanchez, ang NOGCC Artistic Swimming Team, at sa Philippine Aquatics, Inc.,” ayon kay Ida Marie Macasa-Raffaele, personal coach ni Toni sa NOGCC Swim Club sa Bacolod. “Unang sumabak si Toni sa international competition 15 buwan pa lamang ang nakalilipas. Dahil limitado ang mga pambansang kompetisyon, napilitan kaming bumiyahe sa ibang bansa para sa karanasan. Siya ay likas na determinado—siya mismo ang nagtatalaga ng kanyang mga layunin at pinagsusumikapan ito araw-araw.”

Pinuri rin ni national coach Maria Graciella Jasmina Sanchez ang dedikasyon at tiyaga ng koponan.

“Sa nakaraang isa’t kalahating taon, sumali na sina Zoe at Toni sa walong international competitions. Ang aming isipan ay laging nakatuon sa paglago, karanasan, at pagkatuto,” ibinahagi niya sa isang Facebook post.

“Napaka-teknikal ng sport na ito—ang manwal lamang ay mahigit 300 pahina—pero patuloy ang aming pagmamahal dito. Sinasabi naming ‘Para Sa Bayan,’ pero alam din namin na dapat naming mahalin ang aming ginagawa upang magpatuloy. Ang tagumpay na ito ay hindi lamang tungkol sa medalya—ito ay patunay na nasa tamang landas kami.”

Nauna nang lumaban sina Raffaele, Lim, at Durban sa Southeast Asian Age-Group Championships noong Hunyo sa Bangkok. Bagama’t hindi sila nakaakyat sa podium, kapansin-pansin ang kanilang pinahusay na mga pagtatanghal.

Mas naging aktibo ang Filipinas sa internasyonal na larangan ng artistic swimming matapos nitong i-host ang 2024 Asian Age-Group Championships sa New Clark City sa Tarlac.

“Mula sa dalawang atleta lamang, ngayon ay may sampung atleta nang sinasanay ang NOGCC,” ayon kay Coach Graciella. Kabilang dito si Carmina Sanchez Tan, 17 anyos mula sa Talisay City, Negros Occidental, na kasalukuyang lumalaban sa United States para sa Meraquas of Irvine Artistic Swimming Team. Sa 2025 Junior Olympic Championships sa Arlington, Texas, nasungkit ni Tan ang pilak sa Duet Free Routine kasama ang kaparehang si Karen Cho at pumuwesto sa ika-6 sa Solo Free. Nakuha rin ng Meraquas ang gintong medalya sa Team Free at matagumpay na naidepensa ang kanilang pambansang titulo.

“Isang magandang panahon ito para sa artistic swimming sa Filipinas,” ani Eric Buhain, secretary-general ng Philippine Aquatics, Inc. (PAI). “Kami sa PAI ay patuloy na magbibigay ng sapat na suporta sa lahat ng sangay ng aquatic sports—diving, artistic swimming, open water, water polo, at competitive swimming—ayon sa kampanya ng World Aquatics.” (HNT)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Henry Vargas

Check Also

Vigor Mendoza LTFRB

LTFRB Ch Mendoza pumalag vs 3 insurance management ng IC

MISMONG si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Vigor Mendoza ang humiling sa …

SM Supermalls VFS Global FEAT

SM Supermalls and VFS Global Seal Partnership to Bring Visa and Travel Services Closer to Filipinos

Executives Shaking Hands. SM Supermalls and VFS Global leaders seal the partnership with a handshake …

DOST PTRI Weavers

Weavers Manifesto cries for respect, support for Philippine weaves, denounces machine replicas, printed substitutes

The growing popularity of traditional handloom-woven textiles has placed Filipino weavers at a critical crossroads. …

Bulacan Lakbike Festival Teban 7

Elevating Bulacan’s eco-sports tourism
Filipino cyclists from PH, abroad conquer DRT’s mountainous trails in Lakbike Festival Teban 7

CITY OF MALOLOS — Nearly 300 racers across the country and from abroad convened for another …

Pinoy para athletes Asian Youth Para Games

Pinoy para athletes, hangad ang medalya sa Asian Youth Para Games

DUBAI, United Arab Emirates — Handa na sina Chester Rabanal at Christian Pepito para sa …