NAIS ni Education Secretary Sonny Angara na tuluyang wakasan ang bullying o pang-aapi sa mga estudyante sa buong bansa kaugnay ng adhikain ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kaya naman nilagdaan ng Kalihim ang nirebisang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 10627 o mas kilala sa Anti-Bullying Act of 2013.
“Ang eskuwela ay lugar ng pagkatuto, hindi ng pang-aapi. Wala dapat puwang ang bullying sa kahit saang sulok ng mga paaralan at lipunan,” pahayag ni Angara, na siyang pangunahing may-akda ng batas noong siya ay senador.
Simula ngayon, lahat ng pampubliko at pribadong paaralan, pati mga community learning centers at mga eskuwelang pinangangasiwaan ng DepEd sa ibang bansa, ay kinakailangang magpatupad ng Standard Anti-Bullying Policy.
Nakasaad sa bagong IRR ang pagpapatupad ng school-wide prevention programs, maagang interbensiyon, at malinaw na proseso sa pagresolba ng reklamo at apela. Itinatakda rin ang papel ng bawat isa — mga guro, school heads, magulang, substitute parents, at maging ng mga mag-aaral — upang masigurong walang kasong mapapabayaan.
“Kailangan may kultura ng malasakit at respeto. At para mangyari ito, binibigyan natin ng malinaw na kapangyarihan at tungkulin ang mga guro, magulang, at school heads,” dagdag ng Kalihim.
Hindi lamang pisikal na pananakit ang saklaw ng bagong polisiya. Malinaw na rin ang depinisyon ng mga precursor o senyales ng bullying, tulad ng paulit-ulit na pananakot, cyberbullying, diskriminasyon batay sa kasarian o relihiyon, at mga aksiyon na nagdudulot ng matinding emosyonal na epekto o social exclusion, kahit walang pisikal na pinsala.
Itinatag rin sa bagong framework ang posisyon ng Learner Formation Officer, isang itatalagang kawani na magiging unang contact point sa mga kaso ng bullying upang agad itong matugunan at maimbestigahan. Inaatasan na isama ng mga paaralan ang kanilang anti-bullying procedures sa student handbooks at ipaskil ito sa tatlong prominenteng lugar sa campus.
Ayon kay Angara, hindi lamang ito hakbang para sa disiplina kundi para sa mas mataas na kalidad ng edukasyon. “Walang bata ang uunlad kung araw-araw siyang takot pumasok sa klase. Kaya itong polisiya ay hindi lang para sa disiplina, kundi para rin sa kalidad ng edukasyon.”
Patuloy rin ang pagtutok ng DepEd sa pagpapatibay ng mga Child Protection Committees (CPCs) sa mga paaralan, at maglalaan ng technical assistance upang matiyak na gumagana ang mga mekanismong ito. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com