HALOS walang kahirap-hirap na tinahak nina Mathilda Krogg at Edson Corbadora ang tagumpay sa Elite category ng PhilCycling Tagaytay City Criterium 2025—isang tatlong-araw na karera na isinagawa bilang bahagi ng inagurasyon ng bagong Tagaytay City Velodrome.
Personal na iginawad ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino, na siya ring pinuno ng PhilCycling at alkalde ng Tagaytay City, ang mga gintong medalya at cash prizes sa mga nagwagi. Tampok din sa kompetisyon ang iba pang kategoryang Masters, Youth, Junior, at Under-23.
“Mananatiling buhay na buhay ang siklistang Pilipino, lalo na ngayong may bago na tayong Tagaytay City Velodrome,” pahayag ni Tolentino sa mga manonood sa harap ng 250-meter indoor wooden track na aprubado ng International Cycling Union—ang kauna-unahan sa bansa.
Mag-isang tumawid sa finish line si Krogg, habang si national champion Jermyn Prado, na nadiskaril dahil sa pagkasira ng kadena ng kanyang bisikleta matapos masangkot sa isang crash, ay dumating makalipas ang isa’t kalahating minuto para sa bronze medal. Kumumpleto sa podium si Jelsie Sabado, habang ang kanyang mga kakampi mula Standard Insurance—sina Krogg, Kate Yasmin Aquino, at Marianne Dacumos—ay nagtapos sa Top 5.
Sa men’s category, buong yabang ding tinaas ni Corbadora ng Victori Pro Cycling ang kanyang mga kamay sa tagumpay, matapos magtala ng 25-segundong kalamangan laban kay Ryan Tugawin ng Excellent Noodles, na naungusan naman si Marcelo Felipe (isa ring Victoria rider) ng ilang pulgada para sa pilak.
Nagtapos din sa Top 5 sina Jerico Jay Lucero at Ronnilan Quita mula sa Go for Gold.
Tumanggap ng cash prizes ang mga kampeon hanggang ikalimang puwesto: ₱10,000, ₱7,000, ₱5,000, ₱3,000, ₱2,000 at ₱1,000. Isinagawa ang mga karera sa 2.5-km circuit, kung saan ang men’s format ay 1 oras plus 3 laps at ang women’s race ay 45 minuto plus 3 laps. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com