BUMIDA si Marck Espejo sa kanyang 31 puntos para sa Alas Pilipinas na nakalusot sa dikdikang limang-sets na laban kontra sa eight-time SEA Games gold medalist naThailand, 21-25, 25-21, 25-22, 21-25, 15-12, para ma sweep ang Alas Pilipinas Invitationals Cup noong Huwebes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao.
Hindi naging madali ang laban, pero sa tulong ng mainit na laro ni Espejo, nakabawi ang Nationals mula sa mabagal na simula at hindi nagpadaig sa pagkatalo sa ika-apat na set. Sa panalong ito, natapos nila ang Alas Pilipinas Invitationals na may malinis na 3-0 record. Ang event na ito ay naging testing ground para sa hosting ng Pilipinas sa 2025 FIVB Men’s World Championship na gaganapin mula Setyembre 12–28 sa Big Dome at sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay.
Hindi lang basta panalo—nag-sweep pa ang Alas Pilipinas laban sa apat na malalakas na koponan, kabilang ang SEA Games powerhouse na Thailand at mga top teams mula Korea (Hyundai Capital) at Indonesia (Jakarta Bhayangkara Presisi). Dahil dito, maganda ang naging buwelo ng team para sa 2025 AVC Men’s Volleyball Nations Cup na gaganapin sa Manama, Bahrain mula Hunyo 17–24.
Sa deciding fifth set, natambakan agad ng 1-3 ang Alas, pero kumamada si Leo Ordiales ng National University ng tatlong sunod-sunod na puntos para sa isang 6-1 run na nagbigay ng 7-4 lead.
Lumaban pa ang Thailand at nakabawi para makalamang, 10-9. Pero hindi nagpahuli si Espejo, sa pamamagitan ng isang crucial kill at isang matinding service ace para maibalik ang lamang sa Alas, 12-10.
Si Buds Buddin ng NU ang sumalang, dalawang sunod na tira, isang off-the-block at isang crosscourt spike, na nagdala sa Alas sa match point, 14-11. Si Espejo ulit, sa isang matinding backrow attack na nagselyo ng panalo at nagpasabog ng saya sa buong Araneta. Ang torneo ay inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa pangunguna ni president Ramon “Tats” Suzara. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com