OPISYAL nang nagsimula ang Shakey’s Super League Girls Volleyball Invitational League (GVIL) Rising Star Cup 2025 sa pamamagitan ng isang press conference nitong Biyernes, sa Shakey’s Malate bilang paghahanda sa pagbubukas ng torneo sa 28 Mayo 2025, na gaganapin sa La Salle Green Hills Gymnasium sa San Juan City.
Tatlumpo ang mga koponang kalahok sa ikatlong edisyon ng Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) Rising Stars Cup 2025. Ang inaabangang paligsahan sa high school volleyball, tampok ang mga koponan mula sa Metro Manila at iba’t ibang rehiyon, ay inaasahang magiging makasaysayan.
Dalawampung paaralan, pinangungunahan ng nagtatangkang magkampeon muli na Adamson University, ang maglalaban-laban sa Division 1, habang 10 bagong koponan naman ang sasabak sa Division 2 ng torneo na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, at R and B Milk Tea.
“Ating nadagdagan ang bilang ng mga koponang kalahok sa regular nating torneo at ngayong taon bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Shakey’s, ay nagkaroon na tayo ng Division 2. Simula nang ilunsad ang GVIL, marami nang paaralan ang nagpahayag ng interes na sumali, ngunit dahil sa format noong nakaraang dalawang taon, limitado lamang ang bilang na aming natanggap,” pahayag ni Dr. Ian Laurel, presidente ng SSL organizer na Athletic Events and Sports Management, Inc. (ACES).
“Ang maganda rito, taon-taon ay pinalalawak natin ito. Mula 16 koponan noong unang edisyon, naging 18 ito noong nakaraang taon, at ngayon ay may kabuuang 20 koponan sa Division 1. Dagdag pa, may Division 2 na rin tayo ngayon na mabibigyan ng pagkakataon ang ibang paaralan na magkaroon ng exposure at development. Bilang dagdag na insentibo, ang dalawang nangungunang koponan sa Division 2 ay iimbitahan na sumali sa Division 1 sa susunod na taon,” dagdag ni Laurel.
Ang Lady Baby Falcons, na tinalo ang Bacolod Tay Tung sa huling championship, ay makakasama sa Pool A ng Division 1 kasama ang Lyceum of the Philippines University, Naga College Foundation, Emilio Aguinaldo College, at University of Perpetual Help.
Ang Pool B ay binubuo ng Bacolod Tay Tung, Bethel Academy, De La Salle-Lipa, Chiang Kai Shek College, at Holy Rosary College. Sa Pool C ay kabilang ang Kings’ Montessori High School, Arellano University, Corpus Christi School, inaugural champion California Academy, at De La Salle-Zobel A.
Sa Pool D ay nasa iisang grupo ang reigning UAAP champion National University Nazareth School, Far Eastern University-Diliman, St. John’s Institute-Bacolod, University of the Philippines Integrated School, at University of Santo Tomas.
Para sa Division 2, ang Pool E ay binubuo ng La Salle Green Hills, Miriam College, De La Salle-Zobel B, Everest International Academy, at Assumption College-San Lorenzo. Sa Pool F ay naroroon ang Assumption-Antipolo, St. Paul College-Pasig, St. Theresa College-QC, Domuschola International School, at Immaculate Conception Academy.
Ang mga laro sa preliminary round ng Division 1 sa grassroots volleyball league na suportado ng Mikasa, Asics, Team Rebel Sports, Belo Deo, Smart at Gcash bilang technical partners ay lalaruin sa best-of-three sets format. Lahat ng sets, kabilang ang deciding set, ay hanggang 25 puntos.
Ang dalawang nangungunang koponan sa bawat grupo ay uusad sa knockout quarterfinals. Ang semifinals at finals ay lalaruin sa best-of-five sets format.
Sa Division 2, ang apat na pinakamahusay na koponan sa bawat grupo ay uusad sa knockout quarterfinals. Ang semifinals at finals ay winner-take-all.
Samantala, binuksan na rin ang Shakey’s Super League Volleyball Summer Camp sa Trevi Executive Village sa Marikina mula mga petsang 20, 21, 22, 23, at 26 Mayo, 8:00 hanggang 10:00 a.m. Isa pang camp ang isasagawa sa Alonte Sports Arena sa Biñan City, Laguna sa 26-30 Mayo 26.
Mapapanood ang mga laro ng SGVIL nang live at on-demand sa pamamagitan ng SMART Livestream at Solar Sports. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com