UUPO sa ikalawang termino bilang alkalde ng Malabon City si incumbent Mayor Jeannie Sandoval at Vice-Mayor-elect Edward Nolasco matapos makamit ang landslide victory sa naganap na 2025 national and local elections.
Ayon kay Mayor Jeannie Sandoval, ipagpapatuloy niya ang kanyang mga programa at palalawakin pa ang de-kalidad na programa para sa pag-angat ng siyudad.
Lumabas sa local elections na nagkamit si Mayor Sandoval ng 120,757 boto habang ang kanyang katunggali na si congresswoman Jaye Lacson-Noel ay nakakuha lamang ng 65,496 boto.
Si Vice Mayor Nolasco ay nanguna sa botong 73,302 laban kay dating barangay chairwoman Angelika Dela Cruz na nakakuha lamang ng 54,479 boto.
Pangako ni Mayora Jeannie Sandoval pagtutuunan niya ng pansin ang Lucky 9-point agenda na tututok sa pagpapalakas ng ekonomiya, kabuhayan, libreng serbisyong pangkalusugan, trabaho, at kaayusan ng Malabon.
“Ito po ang patunay na tayong mga Malabueño ay tunay na nagkakaisa, tunay na nagnanais ng patuloy na progreso para sa pagpapabuti ng buhay ng bawat isa. Lubos po ang aming pasasalamat sa suporta ng ating mga kababayan na patuloy na naniniwala sa ating mga layunin. Nakaahon na tayo. Ngayon, sama-sama po tayo, nagkakaisa tungo sa ating pangarap na mas maunlad na lungsod kung saan lahat ay may pagkakataong mapabuti ang buhay,” pahayag ni Mayor Jeannie.
“Maraming salamat po sa suporta ng bawat Malabueño sa ating layunin. Makaaasa po kayong tayo ay magiging boses ng bawat Malabueño at magpapatuloy sa pagsasagawa ng mga programang para sa inyo,” ani Vice Mayor Nolasco.
Kabilang sa mga nanalong konsehal sa District 1 ay sina Maricar Torres, Ian Borja, Leslie Yambao, Paulo Oreta, Gerald Bernardo, Payapa Ona; habang sa District 2 ay sina Nadja Vicencio, Jasper Cruz, at Len Yanga. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com