PARARANGALAN si Jonathan Ng, Vice president at CEO ng Republic Biscuit Corporation (Rebisco) Group of Food Companies, bilang Executive of the Year sa kauna-unahang Pilipinas Live PVL Press Corps Awards Night sa 28 Mayo sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City.
Hindi lamang ginawang tanyag ni Ng sa lokal na merkado ang Rebisco bilang paboritong meryenda, kundi isang pangalan na may kinalaman sa kultura ng tagumpay sa larangan ng volleyball.
Bilang isa sa mga pinakamatagumpay na negosyante sa bansa, ginamit ni Ng ang kanyang kaalaman sa negosyo upang itayo ang isa sa mga pinakadekoradong sports franchise sa nakalipas na walong taon — isa siya sa mga nagtaguyod ng tagumpay ng Creamline Cool Smashers na nakamit ang unang grand slam ng PVL noong nakaraang taon.
Nakamit ni Ng ang pagkilala sa espesyal na parangal na inihandog ng Arena Plus matapos makakuha ng 12.8 puntos — 9.6 mula sa media votes at 3.2 mula sa boto ng mga head coach at team captain ng 12 koponan.
Pumangalawa si Petro Gazz owner Ricky Villavicencio, matapos makita ang pag-angat ng Angels sa kanilang kauna-unahang All-Filipino Conference title nitong Abril, na may kabuuang 5.8 puntos. Samantala, si Christopher Tiu ng Akari, nagtapos nang runner-up sa Reinforced at bronze medalist sa AFC, ay may kabuuang 4.4 boto.
Ang unang volleyball club ng Rebisco, na itinatag noong 2017, ang naging pinakamatagumpay sa kasaysayan ng PVL na may 10 kampeonato, kabilang ang pagwawagi sa lahat ng torneo ng PVL 2024 season: All-Filipino, Reinforced, at Invitational Conferences.
Sa kanyang pamumuno, dalawang sunod na silver medal finishes mula 2023 hanggang 2024 ang naabot ng Choco Mucho Flying Titans.
Tampok din ang record-breaking attendance na 24,459 fans sa isang laban ng Cool Smashers at Flying Titans sa Game 2 ng 2023-24 PVL All-Filipino Conference Finals.
Suportado ng Rebisco ang Philippine national volleyball teams at ang Ateneo sa UAAP volleyball sa mga nakaraang taon. Pinasok din nito ang men’s volleyball sa pamamagitan ng Criss Cross, na nakaabot nang finals sa tatlong sunod na Spikers’ Turf conferences at nagtapos nang silver medals simula noong nakaraang taon.
Tiniyak ng pamunuan ng Rebisco na magdala ng mahuhusay na import gaya ni American wing spiker Erica Staunton, na nagsanib-puwersa kina Bernadeth Pons at Michele Gumabao upang buhatin ang injury-riddled Cool Smashers sa 2024 PVL Reinforced at Invitational Conferences para sa grand slam.
Pinangunahan ni Staunton ang Creamline kasama ang Russian opposite hitter Anastasya Kudryashova at Kazakh middle blocker Anastassiya Kolomoyets sa katatapos na 2025 AVC Women’s Champions League.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, sinigurado ni Ng na ang Creamline, Choco Mucho, at Criss Cross ay tila isang malaking pamilya — laging nagtutulungan tuwing may hinaharap na hamon ang kahit alin sa kanilang mga koponan. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com