NAARESTO ng Quezon City Police District (QCPD) ang isa sa apat na suspek na sangkot sa pagpapasabog ng granada sa isang health spa nitong Huwebes sa Quezon City.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Deputy District Director for Administration/Officer-In-Charge P/Col. Randy Glenn Silvio, bandang 7:50 ng gabi nitong Sabado nang madakip ng District Intelligence Division (DID), Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), District Special Operations Unit (DSOU), District Anti-Carnapping Unit (DACU), CIDG-QC, Kamuning Police Station 10, at operatiba ng Valenzuela City Police Station ang negosyanteng si alyas John Paul, 24 anyos, at ang nagsilbing driver ng riding in tandem na sinabing naghagis ng granada sa White House Spa sa Brgy. Obrero, Quezon City.
Patuloy na pinaghahanap ang tatlo pang suspek na sina alyas Reginaldo, isang SK Kagawad ng Caloocan City, alyas Arnelly na sinabing middleman, at isa pang hindi kilala na pinaniniwalaang mastermind sa insidente.
Si Arnelly ang nakikipag-usap sa mastermind at sa suspek na si alyas Reginaldo.
Ayon sa ulat, nadakip si John Paul matapos na kilalanin sa CCTV at nasundan sa Valenzuela City na nakitang nagpalit ng damit at naglagay ng plaka ng motorsiklo.
Nakuha kay alyas John Paul ang isang motorsiklo; half-face helmet; khaki camouflage jacket; black hoodie jacket; at pares ng gray jogger pants, na pinaniniwalaang gamit ni alyas Reginaldo.
Sasampahan ng kasong Arson sa ilalim ng RA 9516 (Illegal Possession of Explosives) si alyas John Paul sa Quezon City Prosecutor’s Office habang patuloy ang manhunt operation laban sa tatlong iba pa.
“The QCPD remains committed in solving this case and bringing all those involved to justice. Hence, we urge the public to support our efforts by reporting any relevant information to the nearest police station or through the QC Helpline 122. Binabati ko rin ang lahat ng operatiba na nagtulong-tulong upang maresolve ang incident. Together, we can make our communities safer,” ani Silvio. (ALMAR DANGUILAN)