Ang matagal nang isinasagawang MILO Summer Sports Clinics ay inilunsad ngayong taon sa pinakamalaking saklaw nito, na may libo-libong sports clinics sa 40 sports na isasagawa sa buong bansa simula ngayong buwan.
Ayon kay Carlo Sampan, pinuno ng MILO Sports, ang matagumpay na programa na tumatakbo na nang higit sa tatlong dekada ay sasaklawin ang buong Pilipinas, kabilang na ang mga malalayong lungsod sa Mindanao gaya ng Cagayan de Oro at Davao.
“Magkakaroon tayo ng 1,200 na venues para sa mga clinics sa buong Pilipinas ngayong taon. Ito na ang pinakamalaking kulminasyon ng aming grassroots programs,” ani Sampan sa Philippine Sportswriters Association Forum na ginanap sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex noong Martes.
“At ngayong taon, mas marami pang sports — mula sa basketball, tennis, swimming, at volleyball, hanggang sa athletics, sepak takraw, arnis, karatedo, baseball, soccer, table tennis, fencing, cheerdance, jiu-jitsu, soft tennis, surfing, weightlifting, golf, at maging ice skating at speed skating,” dagdag pa niya sa forum na iniharap ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, Smart/PLDT, at ang 24/7 sports app ng bansa, ArenaPlus.
Kasama ni Sampan sa programa sina Ricky Lim (karatedo), Julie Amos (basketball), Gerhard Mamawal (tennis), Jeanette Obiena (pole vault at athletics), Rocky Samson (taekwondo), Karen Caballero (sepak takraw), at Nikki Cheng (ice skating at bowling).
Ibinahagi ng mga kinatawan ng iba’t ibang sports ang kani-kanilang summer programs, kasama na ang mga petsa at venue na makikita sa MILO.com.ph. Lahat sila ay nagpasalamat sa MILO sa patuloy na suporta sa kanilang grassroots programs.
“Ang layunin ay hindi lang ang pagbuo ng mga kampeon kundi pati ang paghubog ng karakter,” ani Samson.
“Ngayon ang panahon na excited ang mga magulang at mga bata. Isa na namang pagkakataon para sila ay ma-energize kahit wala sa eskwela. Ang sports ay isang mahusay na guro,” dagdag ni Sampan.
“Hindi lang kakayahan ng mga bata ang nahuhubog kundi pati disiplina at teamwork,” aniya, at binanggit na ang mga summer clinics ay magtatapos sa mga inter-school competitions na bahagi ng MILO Olympics. (HNT)