PARARANGALAN ng Premier Volleyball League (PVL) Press Corps ang pinakamahuhusay at pinakamagagaling mula sa nakaraang tatlong conference sa kanilang kauna-unahang annual Awards Night na gaganapin sa Mayo 27 sa Novotel, Cubao, Lungsod ng Quezon**.
Matapos ang makasaysayang Rookie Draft noong nakaraang taon, isang bagong yugto ang tatahakin ng liga sa pamamagitan ng in-season awards na isinagawa sa pakikipagtulungan ng PVL Press Corps at Sports Vision.
Ang Pilipinas Live PVL Press Corps Awards Night ay magsisilbing pagkilala sa mga atleta, coach, at opisyal na namayagpag sa buong season, kabilang ang 2024 PVL Reinforced Conference, 2024 Invitational Conference, at ang katatapos lamang na 2024–25 All-Filipino Conference.
Sa pangunguna ng Arena Plus bilang presenting sponsor, tampok sa gabi ng parangal ang mga pangunahing gantimpala tulad ng Most Valuable Player of the Season, Mythical Team, Rookie of the Year, Team of the Year, at Coach of the Year, na ihahalal ng mga mamamahayag mula sa print at online media na sumusubaybay sa liga.
Ang mga mananalo ay ibabatay sa kabuuang estadistika mula sa tatlong conference at boto mula sa mga kinatawan ng bawat koponan at miyembro ng PVL Press Corps upang matiyak ang patas at makatarungang pagpili.
Kabilang din sa mga parangal ang Executive of the Year, Most Improved Player, Miss Quality Minutes, Comeback Player of the Year, pati na rin ang Mythical Team at Season MVP mula sa men’s league na Spikers’ Turf.
Magkakaroon din ng mga espesyal na parangal, kabilang ang mga gantimpalang may kaugnayan sa partisipasyon ng fans.
Maaaring makilahok ang mga tagahanga sa pagboto para sa mga parangal gaya ng **Game of the Year, Star of the Night, at Fan Favorite. Ang mechanics ng pagboto ay ipo-post sa social media ng PVL Press Corps sa panahon ng voting period.
Samantala, ang koponang may pinakamaraming green cards ay pararangalan ng Fair Play Award. (HNT)