NAHAHARAP sa iba’t ibang uri ng kasong kinabibilangan ng grave misconduct, grave abuse of authority, at cyberlibel si Barangay Captain Adrian Bernabe, alyas Adrian Trias Alejo, ng Brgy. Merville, Parañaque City dahil sa ginawa niyang pamamahiya sa kompanyang Molave Development Corporation (MDC) sa pamamagitan ng pag-post sa mismong facebook account ng naturang barangay na may kalakip na paninira sa kompanya.
Ayon sa MDC, matapos ang masusing pag-aaral at pagsangguni sa mga legal expert ay kanilang naunawaan na mayroong maliwanag na paglabag ang pamunuan ng Barangay Merville.
Dahil dito agarang dumulog ang kompanya sa Korte upang makamit nila ang hustisya sa ginawang laban sa kanila na nakapaloob sa mga dokumento at ebedensiyang isinumite sa Hukuman.
Nagsimula ang naturang insidente noong Oktubre 2024 nang ang local executive at 10 sa kanyang mga tauhan mula sa barangay ay pumasok sa Daly Road sa harap ng Villas on the Green sa pagitan ng Cubic Homes at South Admiral Village, isang pribadong pag-aari at kontrolado ng MDC at hiniling na buksan ang gate.
Ang naturang gate ay nasa ilalim ng kontrol ng MDC sa napakatagal na panahon upang ayusin ang pag-access sa kalsadang ‘Lot’, isang katabing eskinita patungo sa Daly road. Ang MDC ay nagtayo rin ng isang estruktura at maliit na gate na nakaharap sa Cubic side alley sa sidewalk upang itala ang kanilang claim sa kalsada at maprotektahan ang property.
Batay sa ulat na natanggap, inutusan umano ni Bernabe ang mga lalaking naka-duty na buksan ang gate na sinasabing daraanan ng mga estudyante mula sa kalapit na paaralan.
Sa pahintulot ng supervisor na naka-duty sa pagbabantay ng gate ay pinayagan ang pagpasok ng mga estudyante.
Ngunit matapos ito ay inagaw ang kontrol ng mga tauhan ni Bernabe sa tarangkahan sa pamamagitan ng sinabing sapilitang pagsira sa padlock gamit ang bolt cutter at binantaan ang mga lalaking naka-duty na huwag makialam sa kanila.
Simula noon, kontrolado na ni Bernabe ang gate at itinalaga pa ang kanyang mga opisyal na magbabantay sa gate upang matiyak na hindi na muling mai-lock ng MDC.
Sa salaysay ni Marlon Tinitigan, ginamit umano ni Bernabe ang Facebook account ng barangay para tuyain ang MDC at magpakalat ng maling impormasyon laban sa kompanya.
Iginiit ng MDC na si Bernabe ay gumawa ng mapanirang-puring pahayag sa social media na seryosong nakasira sa reputasyon ng institusyon.
Naninindigan ang mga opisyal mula sa MDC na ang mga pahayag, na kumalat sa iba’t ibang mga channel sa social media, bukod sa walang katibayan ay may masamang hangarin na pahinain ang kredibilidad at operasyon ng organisasyon.
Ang mga nakalap ng MDC na screenshots gaya ng mga digital na komunikasyon ay iginiit na magpapatunay sa intensiyon ng sinasabing cyberlibel.
Gayonman, walang mga rekord na nagpapakita na si Bernabe ay naghain ng counter-affidavit upang tumugon o tanggihan ang mga paratang.
Natitiyak ng MDC na mayroong sapat na ebidensiya sa mga paratang na mapanirang-puri sa kompanya, isang kilalang korporasyon na may 55 taong karanasan sa pagpapaunlad ng real estate sa Parañaque City, kilala sa mga high-end na proyekto nito at sa kalidad.
Ang paskil sa social media ay hindi lamang nakapinsala sa reputasyon ng MDC kundi nakaapekto rin sa relasyon nito sa mga umiiral at inaasahang kliyente, mga kasosyo sa pananalapi, mga nagpapautang, mga empleyado, at sa pangkalahatang publiko.
Kompiyansa ang MDC na makikita ng Ombudsman ang pag-abusong ginawa ni Chraiman Bernabe at mananaig ang hustisya sa huli. (NIÑO ACLAN)